MANILA, Philippines — Pinaiigting ng Bureau of Customs (BOC) ang digital transformation nito bilang bahagi ng Integrity, Accountability, and Modernization (IAM) Movement, na layong gawing mas mabilis, transparent at episyente ang proseso ng pag-aangkat sa bansa.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, target ng ahensya na makumpleto ang mahahalagang modernization initiatives pagsapit ng Hulyo 2027.
Inilahad ni Nepomuceno ang mga reporma sa ginanap na 2026 Metro Manila Business Conference nitong nakaraang linggo na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa pamahalaan at pribadong sektor.
Binigyang-diin ng commissioner na nasa sentro ng pagbabago sa BOC ang paggamit ng mga digital solution upang mapabuti ang serbisyo at proseso sa customs.
Aniya, makikita na ang konkretong resulta ng mga repormang ipinatutupad ng ahensya, partikular sa kanilang revenue collection.
Ipinagmalaki ni Nepomuceno ang record-breaking collection performance ng BOC noong Hulyo, kung saan lumampas sa target ang koleksyon ng tinatayang ₱4.7 bilyon, dahilan upang umabot sa mahigit ₱14 bilyon ang kabuuang surplus collection ng ahensya para sa taon.
Samantala, sinabi ng opisyal na isa sa pangunahing layunin ng digital transformation ang makamit ang 100% digitalization ng mga proseso sa customs.
Kabilang sa walong pangunahing modernization projects ng BOC ang Customs Processing System (CPS), na magsisilbing pangunahing platform para sa online submission ng mga dokumento, automated computation ng customs duties at taxes, at electronic processing at release ng mga shipment.
Ang CPS ay isang ICT-enabled platform na idinisenyo upang gawing mas mabilis at awtomatiko ang customs procedures. Gumagamit din ito ng artificial intelligence upang pagsamahin ang customs processing, payment services at iba pang mahahalagang operasyon ng ahensya.
Layunin nitong palakasin ang transparency, compliance at efficiency sa kalakalan habang tinitiyak ang pagsunod sa mga batas ng Pilipinas at international trade standards.
Kabilang pa sa mga digital initiatives ng BOC ang Automated Export Declaration System, E-Service Catalogue System, Container Tracking and Monitoring System, at Balikbayan Box System.
Ayon sa BOC, ang mga programang ito ay nakatuon sa pagpapabilis ng serbisyo, pagpapalakas ng transparency at pagpapadali ng legitimate trade.
Gayunman, nilinaw ni Nepomuceno na bagama’t agresibo ang isinasagawang digitalization program, nakadepende pa rin ang timeline ng pagpapatupad sa umiiral na proseso ng procurement ng pamahalaan.
Bahagi ito ng mas malawak na agenda ng BOC na gawing moderno ang customs operations, palakasin ang accountability at gawing mas predictable at seamless ang proseso para sa mga lehitimong importer at iba pang stakeholder.
Sa pamamagitan ng digital reforms, inaasahang mapapahusay pa ng BOC ang revenue collection, trade facilitation at delivery ng serbisyo habang pinatitibay ang tiwala ng publiko sa ahensya. JAY Reyes