VATICAN – Mariing kinondena ni Pope Leo XIV noong Biyernes ang digmaan ng U.S. at Israel laban sa Iran, at iginiit na “God does not bless any conflict” at hindi pumapanig ang Diyos sa mga nagpapasabog ng bomba.
Sa kanyang talumpati sa pulong ng mga matataas na obispo ng Chaldean Catholic Church sa Iraq, sinabi ng Papa na ang anumang dahilan ay hindi maaaring magbigay-katwiran sa pagdanak ng dugo ng mga inosente.
“No cause can justify the spilling of innocent blood,” aniya, at hinikayat ang mga lider ng Simbahan na ipahayag sa mundo na ang mga tagasunod ni Cristo, ang “Prince of Peace,” ay hindi dapat pumanig sa karahasan.
Dagdag niya, ang mga lugar ng unang Kristiyanismo ay “desecrated by the blasphemy of war and the brutality of business, with no regard for people’s lives.”
Ipinost din ng Vatican ang kanyang mensahe sa official @Pontifex account sa X.
Sa mga nakaraang linggo, mas naging matapang ang kanyang panawagan laban sa digmaan, kabilang ang pahayag na “truly unacceptable” ang banta ni U.S. President Donald Trump na wasakin ang sibilisasyon ng Iran, at ang panawagan na dapat manaig ang diyalogo.
Nakatakdang pamunuan ni Pope Leo ang isang special vigil prayer for peace sa St. Peter’s Basilica bilang panawagan para sa kapayapaan sa gitna ng lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan. RNT/MND