Home OPINION DIGMAANG NUKLEYAR

DIGMAANG NUKLEYAR

SAAN kaya hahantong ang sadya o aksidenteng pagpapaputok ng bombang nukleyar kaugnay ng giyerang Russia at Ukraine?

Hindi imposibleng mangyari ito dahil ginawa na ito ng mga Amerikano na sadyang pasabugan ng bomba atomika ang Nagasaki at Hiroshima sa Japan noong nakaraang ikalawang pandaigdigang digmaan.

Ito’y para pasukuin ang Japan bilang kaaway ng Amerika noon na ating ikinadamay sa digmaan ng dalawa.

Isang uri ng bombang nukleyar ang bomba atomika o A-Bomb kung tawagin.

Maaari pa ring may hawak nito ang Russia bagaman karaniwan nang thermonuclear bomb o hydrogen bomb o H-Bomb na ang uso na higit na mas malakas kaysa A-Bomb.

Kung pumatay noon ang dalawang A-bomb ng nasa 200,000 katao sa Nagasaki at Hiroshima, gaano karami naman kaya ang mamamatay sa H-Bomb?

Pero depende sa kung gaano karami talaga ang masasasabugan ng mga bombang nukleyar na nabanggit.

Gayunman, ang punto talaga rito, ang atomic at hydrogen bomb ay kabilang sa tinatawag na weapons of mass destruction na maaaring buong lungsod o isang bayan lamang ang mamatayan ng lahat ng taong nakatira sa lugar, at matunawan ng lahat ng ari-arian sa init ng apoy na likha ng mga bombang ito.

 Kapag buong lungsod gaya ng Metro Manila ang pasasabugan ng malaking bombang nukleyar, milyon ang mamamatay mula sa 15 milyong residente rito pero kapag maliit ang bomba, maaaring libo o daang libo lang ang mamamatay, pwera pa ang pagkatunaw ng lahat ng ari-arian sa sentro ng bomba at nakapaligid nito na ilang kilometro ang layo.

PINAHINTULUTANG GAMITIN SA LOOB NG RUSSIA

Ang mga malalakas na armas at bomba ng United States at ilang miyembro ng North Atlantic Treaty Organization na kakosa ng US ay may permiso nang gamitin laban sa Russia mismo.

Kapag nangyari ito at manganganib mismo ang bansang Russia, gaya ng babala nito, dito na maaaring magkaroon ng giyerang nukleyar.

Magagamit ang A-Bomb at H-Bomb.

Hanggang kaninong bansa aabot ang giyerang nukleyar?

Pare-pareho ang Russia, US, France, Britain, China, North Korea , India at Pakistan na kayang magpaputok ng bombang nukleyar sa isa’t isa mula sa mga submarino, barko, eroplano at mismong mula sa mga permanenteng silo o mula sa mga tumatakbong trak.

Ano nga ba ang mangyayari kung may magseryoso gaya ng Amerika na nagpasabog ng A-Bomb sa Japan noon at ang gagamitin ay ang mas malakas ng H-bomb ngayon?

Ang sabi ng mga bansang ito, magugunaw ang mundo kung lahat ng hawak nilang mga bombang nukleyar ay kanilang mapapasabog sa isa’t isa.

PINAS MAGHANDA

Ang masama sa bombang nukleyar, hindi lang matutunaw sa tindi ng init at lakas ng pagsabog ang mga pagbabagsakan ang mga ito.

May dalang radiation at nakalalasong kemikal ang mga ito na pupwedeng sumama sa mga ulap na naglalakbay at kung umulan at bumagsak sa lupa, walang nang ligtas na pagkain at inumin ang madadapuan ng mga ulan at delikado rin sa taong mababagsakan ng mga ito.

Ang Strontium 90 na magtatagal sa katawan ng tao sa loob ng 28 taon ay sanhi ng tumor at leukemia o kanser sa dugo at nakamamatay.

Ang plutonium 239 na magtatagal sa katawan ng tao ng 24,400 taon ay magbubunga ng kanser o tumor sa buto at baga at nakamamatay rin.

Pero paano kaya paghandaan ang giyerang nukleyar na magbubunga ng katapusan ng mundo?