MANILA, Philippines – Sinita ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang tila katahimikan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ukol sa kumakalat na singhot-droga video.
Kahit walang direktang komento o pagtanggi mula sa Pangulo ay agad namang nagpalabas ang gobyerno ng pagtanggi na si Pangulong Marcos ang nasa bidyo at sinabing ito ay peke.
Sinita rin ni Duterte ang agarang pagkuwestyon ng gobyerno sa ‘authenticity’ ng video, at pagtawag nitong “obviously fake video” at isang “malicious crude attempt to destabilize the administration.”
Ani Digong na ang simpleng pagtanggi sa bidyo ay nagpapalakas lamang ng suspetsya sa ‘di umano’y paggamit ng droga ng Pangulo.
Dagdag pa niya na sinomang abogado ay alam na ang pagtanggi ay ang “weakest form of defense” kaya naman hinamon niyang muli ang Pangulo na magpa-drug test para matuldukan ang mga agam-agam.
“Even the ordinary man on the street knows that the best way to put the issue to rest is for President Marcos to undergo a hair follicle drug test. When undertaken by a credible drug testing center, a negative result would erase all doubts once and for all,” ani Duterte.
Binatikos naman ni Duterte ang “feigned laughter, feeble denial, and complete silence” ni Pangulong Marcos sa halip na ang naging tugon nito ay isailalim siya sa drug test.
“With due apologies to all the experts who vouched for the authenticity of the video, the refusal of President Marcos to undergo the hair follicle drug test is the best proof not only of the video’s authenticity but, worse, his drug addiction,” dagdag pa ni Duterte.
Winika pa ni Duterte na ang inilabas na pagtanggi ng Department of National Defense (DND) ay isang malaking sampal sa mukha ng bawat makabayan at kagalang-galang na sundalo na bitbit ang “highest code of conduct” ng militar.
“It is bad enough that the DND has to do the dirty job of issuing the denial, and it is worse that in doing so, it has become a party to a despicable act it should have been fighting against in the first place,” ayon kay Duterte.
Sa kabilang dako, kinuwestiyon naman ni Duterte ang mainstream media, minsan na naging ‘most unrestrained press’ sa Asya, sa halip na komprontahin si Pangulong Marcos sa isyu ay mas pinili pa na tumingin sa ibang paraan.
Binatikos din ni Duterte ang Senado at Kongreso sa di umano’y pagsuporta kay Pangulong Marcos sa gitna ng moral at legal crisis.
Aniya, may pagkakataon ang mga ito na magpunta sa tamang bahagi ng kasaysayan subalit sinayang lamang ng mga ito. RNT