MANILA, Philippines – Umabot sa ikatlong alarma ang Marikina River noong Miyerkules sa gitna ng patuloy na pag-ulan na dala ng Bagyong Carina at Habagat.
Ayon sa Marikina Public Information Office, tumaas sa 18 metro ang lebel ng tubig kaninang alas-10 ng umaga, na nagbunsod ng sapilitang paglikas ng mga residente.
Itinaas ang ikalawang alarma kaninang 6:45 ng umaga dahil tumaas ang tubig sa 16 metro.
Itinaas ang unang alarma alas-5:30 ng umaga, kung saan pumalo sa 15 metro ang lebel ng tubig. Nangangahulugan ito na ang mga residente ay dapat “maghanda.”
Binabantayan ng local government unit ang lebel ng tubig sa Marikina River habang patuloy ang pagbuhos ng ulan dahil sa Southwest Monsoon na pinalalakas ng Bagyong Carina.
Sinabi ng state weather bureau PAGASA na lalo pang tumindi ang Carina noong Miyerkules ng umaga habang patuloy itong lumilipat patungo sa Taiwan.
Ang sentro ng mata ng Bagyong Carina ay tinatayang nasa 290 kilometro hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes na taglay ang lakas ng hanging aabot sa 155 kilometro kada oras malapit sa gitna, pagbugsong aabot sa 190 kilometro kada oras at kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Nakataas ang signal number 1 sa Batanes habang nakataas naman ang signal number 2 sa Babuyan Islands, hilagang bahagi ng mainland Cagayan, at hilagang bahagi ng Ilocos Norte. RNT