Home HOME BANNER STORY Digong kay Marcos: Baka sumunod ka sa ama mo

Digong kay Marcos: Baka sumunod ka sa ama mo

MANILA, Philippines- Nagtalumpati si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isang pagtitipon sa Tagum City, Davao del Norte nitong Linggo ng gabi, kung saan niya tinuglisa ang kasalukuyang administrasyon at pagsisikap na ipatupad ang Charter change.

Sa kaganapang tinawag na “Defend the Flag Peace Rally,” sinita ni Duterte ang pagsusulong ng Cha-cha at inugnay ito sa pagsisikap na palawigin ang termino.

Sa pagbasa ng bahagi ng Konstitusyon na tumutukoy sa limitasyon ng termino ng Pangulo at Bise Presidente, sinabi ni Duterte sa Bisaya, “[H]indi kaaya-aya na ang isang tao, ang isang administrasyon, gagawa ng paraan ulit para ulitin, tanggalin ang anim na taon at gustong dagdagan kasi dito one term, six years only. Kaya gumawa sila ng bagong constitution, yun ang tinawag na Cha-cha, constitutional change,” anang dating Pangulo.

Binanggit din niya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kung saan inulit niya ang nauna niyang pahayag na dapat umanong alalahanin ni Marcos ang nagyari sa kanyang ama. “Mr. President, be happy and finish your term for six years. Makontento ka na diyan at binigyan ka ng panahon ng Panginoong Diyos na makapagsilbi sa ating bayan as president, despite or in spite of the fact ng history ninyo pagbaba ng tatay mo, hindi maganda, and yet ang Pilipino binigyan kayo ng pag-intindi. Pinatawad kayo.”

Patuloy pa niya sa Bisaya, “Yun lang sa akin, makontento ka na, happy ka na, huwag mo nang ambisiyonin, masisira ang pagkakaibigan, tayong magkaibigan, magkontra, aalis sa kampanya, sa katagalan, iba na ang sinasabi ko kasi sabi ko mahilig akong magmura, baka matamaan ka sadyain ko man o hindi, masisira ang pagkakaibigan natin and you will just destroy the country.”

Subalit, matatandaang iginiit ni Marcos na tanging economic provisions lamang ng Konstitusyon ang aamyendahan. “I want to make it clear. This Administration’s position in introducing reforms to our Constitution extends to economic matters alone, or those strategically aimed at boosting our country’s economy. Nothing more,” wika niya noong Pebrero.

“Panahon lang ni Marcos dati at panahon lang ni Marcos ngayon, na kanilang gustong kalkalin ang Constitution. Ito lang na Marcos na malayo ng ilang taon na gustong, ang isa ayaw din bumaba, ang isa naman, gumagawa ng paraan ngayon na ayaw din bumaba, kaya dati nung naabutan ng revolt ng military, sinakyan ng Pilipino, kaya nangyari ang EDSA,” ani Duterte.

“Ewan ko, sinabihan ko siya, Mr. President, I hope that you’ll be able to recall what happened to your father. See to it, baka sumunod ka sa ama mo pag pinilit mo ito,” patuloy niya.

“Huwag kayong pumayag niyan, kasi bakit, bagay ba si Marcos na magtagal? bagay ba na si Marcos na bigyan pa natin ng termino? Ano ba ang abilidad niya?” dagdag pa rin niya sa Bisaya.

Dinaluhan ng mga kaalyado ni Duterte ang rally, kabilang ang kanyang dating tagapagsalita na si Harry Roque, anak ng dating Pangulo na si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte, Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez, at dating campaign spokesperson at Executive Secretary ni Marcos na si Vic Rodriguez.

Naroon din sa pagtitipon ang gobernador ng lalawigan na si Edwin Jubahib, na sinuspinde ng Office of the President dahil sa administrative complaints. 

Gayundin, binanggit ng speakers ang iba pang isyu, kung saan tinawag ni Mayor Duterte ang sigalot sa West Philippine Sea na “propaganda” at sinabing ang tunay na alitan ay sa pagitan ng US at China. “It’s not about you being pro American or you about being pro China, hindi natin gusto na sumali sa away na hindi tayo kasama,” wika ng alkalde.

Samantala, sinabi ni Alvarez na ikinababahala niya ang posibilidad ng giyera sa West Philippine Sea. “Bakit tayo manghahamon ng giyera sa China?” aniya sa Bisaya. “Yung coast guard natin, yung military natin…kaya ngayon nanawagan ako, nakikiusap ako sa mga kapatid nating military, nasa mga pamamahay man kayo ngayon. Nakikiusap ako, kahit limang minuto lang. Isipin ninyo ang inyong mga anak na naglalaro, isipin ninyo ang inyong mga asawa. Kung magkakagiyera, magkakagulo, kayo ang nasa harap, isipin ninyo, kung mamamatay kayo, ano ang kinabukasan ng inyong mga anak, ano ang kinabukasan ng inyong pamilya. Nakakaawa. Hindi kaya ng gobyerno na suportahan ang inyong mga anak. Hindi kaya ng gobyerno na suportahan ang inyong pamilya. Kaya magsama-sama tayo, basahin ninyo ang saligang batas.”

Ipinalitaw naman ni Rodriguez ang pagtatangkang palawigin ang term limits sa pamamagitan ng Cha-cha. “Sila po ay nahalal sa terminong anim na taon. Makontento na ho kayo sa anim na taon at huwag ninyong pagtangakang lapastangin ang ating saligang batas,” anang dating tagapagsalita ni Marcos, na umalis sa administrasyon noong Oktubre 2022. RNT/SA