Home NATIONWIDE Digong ‘most qualified’ bilang special envoy ng PH sa China – Cayetano

Digong ‘most qualified’ bilang special envoy ng PH sa China – Cayetano

MANILA, Philippines – Naniniwala si Senador Alan Peter Cayetano na maaaring maging epektibong special envoy ng bansa si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa China upang tumulong na makipag-ugnayan sa back-channel dahil magandang ang katayuan sa Beijing.

“There’s no doubt that President Duterte is one of the best representatives of the country when talking to the Chinese government because of his relationship with President Xi Jinping and may experience na both good and bad during his term,” sabi in Cayetano sa isang ambush interview noong July 31, 2023.

Ayon kay Cayetano, nagsilbi bilang Foreign Affairs Secretary ni Duterte mula 2017 to 2018, na nakuha ng dating Pangulo ang tiwala at respeto ng gobyerno ng China sa pinakamataas na lebel.

“If ever we know someone who can go to the highest levels of the Chinese government that the Chinese government trusts and the Filipino trusts, si President Duterte iyon. But then we have to come out with a strategy that is both comprehensive and that will work in the short and long term,” aniya.

Nang tinanong si Cayetano sa tila kumportableng relasyon ni Duterte sa China, sinabi niya na hindi niya nakita ang dating Pangulo na nakipagkompromiso ang dating Pangulo sa anumang bagay tungkol sa Pilipinas.

“Never kong nakita na nag-compromise at ibinenta ni President Duterte ang Pilipinas. Iba lang y’ung pagiging bulaklakin ng bibig niya at iba lang siya magsalita, but he never sold out and he will never sell out the Philippines,” aniya.

Sinabi ni Cayetano na may pangangailangan para sa back-channel talks sa China upang matiyak ang katatagan hindi lamang ng relasyon ng China at Pilipinas kundi maging ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

“The earlier the better kasi tingnan mo, bakit naman lumakas ang China? Kasi maganda ang ekonomiya nila. Ngayon sa taas ng presyo, we need to get all the help we can get sa bigas, gulay, baboy, sa isda at sa lahat,” aniya.

“We’re not only talking about China and the Philippines, I’m talking about fellow ASEAN and China. May danger talaga na pagtaas ng halaga ng pagkain dahil sa nangyari sa Ukraine ngayon na hindi na naman pinapayagan sa Black Sea to transport the grain from Ukraine and the exports from India,” dagdag pa niya.

Ngunit nilinaw ni Cayetano na maaaring i-tap si Duterte upang mapabilis na maiahatid ang mensahe, at hindi sa pang-araw-araw na pakikipag-usap sa China.

“If may urgent at may emergency, pwede siya. But y’ung day-to-day negotiations, iyon na y’ung kung ano y’ung comfort ng Pangulo. Hindi naman sa hindi kaya. It’s a full-time job eh. Stamina ang needed diyan kasi magpapabalik-balik ng Beijing,” sabi niya.

Dahil sa isinagawang closed-door meeting ng Senado nitong Lunes kasama ang Department of Foreign Affairs (DFA) at National Task Force for the West Philippine Sea, umaasa si Cayetano na maglalaan pa ng mas maraming oras ang mga senador upang maging maalam at magkaisa sa ipahahayag sa isyu.

Ang pagpupulong ay ipinatawag matapos magbabala si Cayetano noong nakaraang linggo laban sa pagpasa ng Resolution No. 659 na inihain ni Senador Risa Hontiveros na humihimok sa gobyerno sa pamamagitan ng DFA na i-sponsor ang isang resolusyon sa United Nations General Assembly (UNGA) na nananawagan sa China na itigil na ang panggigipit nito sa Pilipinas sa loob ng WPS.

Aniya, payag siya na gumawa ang Senado ng mas matapang na resolusyon na nagpapahayag ng galit sa panggigipit nila sa ating mangingisda sa WPS.

“Good development na active ang Senate ngayon sa issue na iyan. Ang sa akin lang, pabor sa atin lahat ito dahil maraming facts na hindi alam tungkol dito. We have to explore many options, hindi puwedeng init lang ng ulo. We have to explore all the means and we will come to the conclusion that the best way is to improve the economy and strengthen our Coast Guard and Navy,” wika niya.

Umaasa rin si Cayetano na hindi mamadaliin ng Senado ang pagpasa ng Resolution 659 dahil mahalaga ang isyu.

“Between Maharlika Investment Fund (MIF) and WPS, mas importante naman ito. Mahaba-haba naman ang interpellation sa MIF, ‘wag naman nila madaliin ito. Wala naman deadline sa UN… September pa y’ung session ng United Nations,” sabi niya.

“Whatever we decide for later on, I think it is good for the public na pare-pareho tayong na-educate. These discussions help everyone,” dagdag niya. Ernie Reyes