MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine National Police (PNP) na sasagutin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagbili ng patrol vehicles sa pagpapabuti ng police mobility at visibility, kasabay ng pagpapahayag nito ng buong suporta para sa Five-Minute Response Time Strategy.
Ito ang inanunsyo ni Interior Secretary Jonvic Remulla kasabay ng PNP Command Conference na isinagawa nitong Biyernes, Hunyo 13 sa PNP Multi-Purpose Center.
Ipinresenta rin ng Police Regional Offices ang kani-kanilang operational plans sa pagtugon sa direktiba ni PNP Chief Police General Nicolas Torre III na isagawa ang mga reporma para sa pagsasaayos ng frontline policing.
Samantala, inihayag ni Police Major General Anthony Aberin, National Capital Region Police Office Regional Director, ang komprehensibong plano kabilang ang full implementation ng 5-minute response strategy, pagpapalakas ng logistical readiness, regular training ng mga tauhan, at pagsasagawa ng simulation (SIMEX), communication (COMEX), at capability (CAPEX) exercises.
Bilang bahagi ng transition sa ‘fully mobile police force,’ sinabi rin ni Aberin ang walong oras na duty kada shift upang masiguro ang patuloy na operational presence, pagpapalakas ng Red Team operations, at pagbuwag sa Police Community Precincts (PCPs), substations, at police boxes.
Ayon sa PNP, ang 5-Minute Response Time Strategy ay nagsisilbing major departure mula sa tradisyunal na precinct-based policing, pagsasagawa ng presenya ng kapulisan bilang mas mobile, proactive, at people-centered approach.
Sisiguruhin ng programa na ang tawag ng tulong ay masasagot ng mabilis, propesyunal, at anumang oras.
“This transformation goes beyond patrol deployment. It’s about rebuilding trust through swift action, professionalism, and accountability—while remaining firmly anchored on the rule of law, human rights, and due process,” ani Torre.
Nanawagan din si Torre sa ahensya na palakasin ang internal communication, partikular na sa mga station commander, para sa seamless coordination na makapagliligtas ng buhay ng mga tao.
Ang Kalasag 911—ang integrated support system ng PNP para sa national 911 emergency response program ay ipinakilala rin sa naturang event.
Pinagsasama-sama ng state-of-the-art facility ang real-time data, geolocation tracking, at inter-agency coordination upang masiguro ang 5-minute response goal sa buong bansa. RNT/JGC