SINABI ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. na ang kasal na ginawa ng sinibak na si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ay mananatiling balido kung isinakatuparan “ in good faith”.
Nagbigay paglilinaw si Abalos kasunod ng concerns ukol sa kalagayan ng Filipino citizenship ni Guo.
Sa isinagawang plenary debate sa panukalang 2025 budget ng Philippine Statistics Authority (PSA), tinanong kasi si 4Ps Party-list Rep. JC Abalos kung ano na ang mangyayari sa kasal na ginawa ni Guo kapag napatunayan na hindi siya isang Filipino.
Sinabi ng mambabatas na ang tao na walang awtorisasyon na magsagawa ng kasal ay magreresulta ng hindi pagiging opisyal ng kasal.
Bilang tugon, sinabi naman ni Sec. Abalos na ‘marriages shall remain legitimate based on Chapter 3, Article 35, Paragraph 2 of the Philippines’ Family Code.”
Nakasaad sa batas na lalabas na walang bisa ang kasal kung sa simula pa lamang ay ginawa ang kasal ng kahit na sinumang tao na hindi naman legal na nagsasagawa ng kasal “unless such marriages were contracted with either or both parties believing in good faith that the solemnizing officer had the legal authority to do so”.
Sinabi pa ni Abalos na dahil sa naniniwala ang ‘couples’ na may kapangyarihan si Guo na gawin ang kanilang kasal, lalo pa’t siya ang Alkalde ng panahon na iyon, masasabing ginawa ito “in good faith”.
“Karamihan sa kanila gano’n ang tingin dahil mayor nga naman siya,” aniya pa rin.
At upang kagyat na makakuha ng kinalabasan ng citizenship status ni Guo, hinikayat ng Kalihim ang lokal na pamahalaan ng Bamban na pagsama-samahin ang listahan ng mga mag-asawa na ikinasal ni Guo.
“As early as now kunin na ‘yung mga listahan so whatever it is sa future na mangyayari mapaghandaan na kaagad kung anong aksyon ang pwedeng i-take otherwise it will be unfair to those na talagang kinasal ng tama,” ang sinabi ni Sec. Abalos.
Ang nakikita dito ng Kalihim ay bilang “silver lining” ang katotohanan na si Guo ay one-term Mayor lamang. Gayunpaman, malamang na nakapagagawa na ito ng ilang kasal.
Samantala, kinukuwestiyon ang citizenship ni Guo matapos matuklasan sa Senate hearing na ang tunay na pangalan ni Alice Guo ay Guo Hua Ping, at isa itong Chinese national. Kris Jose