MANILA, Philippines – Hinihimok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng local government units (LGUs) sa buong bansa na magsagawa ng komprehensibong pag-audit sa imprastraktura sa parehong pampubliko at pribadong mga gusali upang matulungan ang mga komunidad na maghanda sa banta ng malalakas na lindol.
Sa isang pahayag, sinabi ng DILG na ang structural integrity ng mga gusali ay mahalaga upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at upang mabawasan ang panganib ng mga kaswalti at pagkasira ng ari-arian sa panahon ng malalaking seismic event.
Bukod sa pag-inspeksyon sa mga pangunahing pampublikong pasilidad tulad ng mga ospital, paaralan, opisina ng gobyerno, at emergency response center, nais din ng ahensya na masakop ng mga audit ang mga istrukturang pagmamay-ari ng pribadong tao.
Ang DILG noong 2024 ay nakipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at propesyonal na grupo, kabilang ang Association of Structural Engineers of the Philippines at Philippine Institute of Civil Engineers, para bumuo ng Harmonized Infrastructure Audit Tool (HIAT).
Ang HIAT ay nagsisilbing isang standardized framework para sa pagsusuri ng katatagan ng gusali at pagtukoy ng mga potensyal na kahinaan bago dumating ang mga sakuna. Mga LGU na ‘HIGH-RISK’.
Ayon sa DILG, 18 high-risk LGUs sa Metro Manila, CALABARZON, at Central Luzon, mga lugar na dinadaanan ng West Valley Fault, ay sinanay na para magsagawa ng infrastructure audits.
Bukod dito, 12 pang LGUs sa National Capital Region at 20 sa Cavite na matatagpuan sa abas ng fault corridor ang nakakumpleto rin ng pagsasanay habang 10 pang LGUs sa Central Luzon ang inaasahang susunod sa katapusan ng buwan.
Bilang bahagi ng nationwide rollout, ang departamento ay bumuo din ng isang corps ng mga sinanay na coach na binubuo ng mga teknikal na eksperto mula sa mga propesyonal na organisasyon, mga institusyong pang-akademiko at mga lokal na pamahalan na kumakatawan sa 74 na mga LGU sa buong bansa.
Hinihikayat din ng DILG ang pakikilahok ng pribadong sektor sa pamamagitan ng pagtatatag ng Local Infrastructure Learning Hubs sa mga rehiyonal na tanggapan nito.
Ang mga hub na ito ay magsisilbing mga sentro ng pagtutulungan ng mga LGU, mga inhinyero, at mga paaralan upang suportahan ang mga audit team na pinamumunuan ng mga lokal na punong ehekutibo at binubuo ng mga opisyal ng gusali at mga opisyal ng pamamahala sa kalamidad. Jocelyn Tabangcura-Domenden