Home NATIONWIDE DILG nanawagan sa mga LGU, Comelec drive vs. illegal campaign materials suportahan

DILG nanawagan sa mga LGU, Comelec drive vs. illegal campaign materials suportahan

MANILA, Philippines – Nanawagan si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. nitong Martes, Agosto 8, sa mga local government units (LGUs) na suportahan ang Commission on Elections (Comelec) sa crackdown nito laban sa campaign materials na lumalabag sa batas ng halalan.

Ito ay bago ang inaasahang pagsisimula ng election period para sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Agosto 28.

Sa DILG Memorandum Circular 2023-105, sinabi ni Abalos na ang DILG, LGUs, at iba pang government agencies ay binigyang-kapangyarihan ng Comelec sa pamamagitan ng Resolution No. 10924 na tulungan ang komisyon na alisin ang mga “unlawful election propaganda materials.”

Sa parehong direktiba, sinabi ni Abalos na tutulong din ang mga LGU sa Comelec sa pagbibigay ng kinakailangang gamit para sa pag-alis ng naturang election materials, magtalaga ng tauhan ng LGU na tutulong sa kampanya ng Comelec, paglalabas ng executive orders para sa pagtatalaga ng LGU personnel/barangay tanod sa pagsasagawa ng kanilang tungkulin, at inaatasan ang mga itinalagang tauhan na makipag-ugnayan sa Election Officer bago alisin ang unlawful election materials.

Sa Section 240 ng Comelec Resolution No. 10924, ipinagbabawal ang printing, publishing, posting at distribusyon ng alinmang uri ng campaign materials na hindi nagtataglay ng pangalan ng nagbayad dito o kandidato na magbebenepisyo sa election propaganda na inilimbag o ipinalabas.

Mahigpit din na ipinagbabawal ang pagkakabit, pagdidisplay at paglalagay ng election materials sa labas ng authorized common poster areas, sa mga pampublikong lugar, o private properties na hindi pinayagan ng may-ari.

Ang election period para sa October 30 BSKE ay tatakbo hanggang Nobyembre 29, habang ang campaign period naman ay mula Oktubre 19 hanggang 28. RNT/JGC