Home NATIONWIDE DILG sa mga botante: Rehistrasyon para sa Eleksyon 2025 ‘gang Sept. 30...

DILG sa mga botante: Rehistrasyon para sa Eleksyon 2025 ‘gang Sept. 30 lang

MANILA, Philippines- Pinaalalahanan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang publiko na Setyembre. 30 ang huling araw ng rehistrasyon para sa midterm elections sa susunod na taon.

Inihayag din ng DILG na Agosto 31 ang huling araw ng rehistrasyon para sa “Register Anywhere Program’’ kung saan maaaring magtungo ang kwalipikadong registrants sa iba’t ibang RAP sites.

Upang maging kwalipikadong registrant, ang indibidwal ay dapat isang Filipino citizen, hindi bababa sa 18-anyos bago o sa mismong araw ng eleksyon, residente ng Pilipinas sa loob ng hindi bababa sa isang taon at hindi bababa sa anim na buwan sa lugar kung saan siya boboto bago ang eleksyon, batay sa DILG.

Sinabi ng DILG na kailangang magpresenta ng magpaparehistro ng valid identification cards (IDs) tulad ng National ID card sa ilalim ng Philippine Identification System (PhilSys); Postal ID card; Person with Disability (PWD) card; student ID card o library card na nilagdaan ng school authority; senior citizen ID card at iba pang kaugnay na ID cards.

Pinayuhan din ng DILG ang publiko na sumangguni sa opisina na Commission on Elections (Comelec) para sa karagdagang detalye sa voter’s registration requirements para sa national at local elections sa susunod na taon. RNT/SA