Home ENTERTAINMENT Dina, nag-throwback, nanganib ang buhay!

Dina, nag-throwback, nanganib ang buhay!

Manila, Philippines – Maraming rebelasyong pinakawalan ang beterana at premyadong aktres na si Dina Bonnevie nang maging panauhin siya sa vlog ng reformed Christian na si Amy Austria.

Aniya, hindi raw niya makakalimutan ang kanyang near-death experience kung saan nameligro ang kanyang buhay.

Ito raw iyong panahong napakaabala niya at kaliwa’t-kanan ang mga proyektong ginagawa.

Gayunpaman, kahit naglalagare raw siya noon ay hindi naman siya nagrereklamo.

Nangyari raw ito noong nag-pass out siya at na-deklarang clinically dead for a minute and ten seconds.

Katunayan, akala raw niya noon ay katapusan na niya.

Pagbabalik-tanaw pa niya, natatandaan daw niya noong umuwi siya ng bahay at inutusan ang kanyang panganay na si Danica Sotto na tumawag ng doktor para tumingin sa kanya.

“By the time na na-finish yung dance number, talagang gumaganu’n ganu’n na ako.

“Ini-interview pa niya ako pero umiikot na yung mundo ko nun, hilong-hilo ako.

“Right after, kulang na lang bumagsak ako, tumakbo ako sa kotse.

“Pagdating sa bahay, nakita ko si Danica, ang una ko lang nasabi was, ‘Danica, call Ninang Doctor,'” ani Ms.D.

“Tinakbo ako sa hospital. Going to the hospital pa lang, wala na akong makita,” dugtong niya.

Na-diagnose raw na kaya nangyari sa kanya iyon ay dahil sa overfatigue.

Aminado naman kasi siyang workaholic at habang maraming oportunidad ay trabaho lang siya nang trabaho.

“Actually, na-clinically dead ako for a minute and ten seconds. Siguro, overfatigue. Kasi that time, ang dami-dami kong ginagawang pelikula, sabay sabay, and then nagda-dubbing ako, and I was promoting yung movie ko,” pa-throwback niya.

Sa nasabing tsikahan, ibinahagi rin niya na marami raw ang nagbago sa kanyang buhay mula nang maging Kristiyano siya.

Natuto raw siyang magpatawad sa mga taong nagkasala sa kanya.

Naging mas bukas din daw ang isip niya sa maraming bagay at mas lumawak ang kanyang pang-unawa.

Sa pagyakap niya sa kanyang pananampalataya, doon daw niya natagpuan ang kanyang inner peace. Archie Liao