Home NATIONWIDE Urban poor workers sa Pasay, inayudahan ni Bong Go

Urban poor workers sa Pasay, inayudahan ni Bong Go

MANILA, Philippines – Nagbigay ng tulong si Senador Christopher “Bong” Go sa mga maralitang manggagawa sa Pasay City noong Sabado.

Idinaos sa Cuneta Astrodome, nasa 1,000 benepisyaryo ang tumanggap ng ayuda kay Go, kinabibilagan ng food packs, bitamina, kamiseta, basketball, at volleyball. May mga piling benepisyaryo na binigyan ng bisikleta, sapatos, mobile phone, at relo.

“Huwag kayong magpasalamat sa akin. Sa totoo lang po, dapat akong magpasalamat sa inyo dahil binigyan n’yo ako ng pagkakataon na makapagserbisyo sa inyo,” aniya sa mga manggagawa.

Sa suporta ng senador, nag-alok naman ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng pansamantalang trabaho sa mga manggagawa sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program.

Kasama sa livelihood support na ibinigay ay ang GSIS Personal Accident insurance coverage para sa isang taon at isang set ng Personal Protective Equipment (PPE) na nagpapahusay sa kaligtasan at kapakanan ng mga manggagawa.

Binigyang-diin ng senador na ang TUPAD program ay nag-aalok ng livelihood assistance at nagbibigay ng mahahalagang kasanayan sa mga benepisyaryo.

“Ang programang ito ay nagbibigay sa atin ng mga kasanayan na maaaring maging kapaki-pakinabang sa pang-araw-araw na buhay at mga pagpupunyagi sa hinaharap. Ito rin ay nagbibigay-daan sa bawat-isa na mag-ambag ng positibo sa kanilang komunidad,” anang senador.

Hinimok ni Go ang mga benepisyaryo na i-maximize ang tulong na ibinigay sa kanila at patuloy na maging masipag at matiyaga.

“Mahalaga ang bawat patak ng pawis sa pag-asenso. Gamitin ninyo ang mga oportunidad na ito bilang hakbang patungo sa mas magandang kinabukasan,” sabi ni Go.

Upang higit pang maisulong ang kapakanan ng mga manggagawang Pilipino, naunang inihain ni Go ang Senate Bill No. 1705, na nagmumungkahi na taasan ang service incentive leave ng mga empleyado sa pribadong sektor, at SBN 1707, na naglalayong magbigay ng competitive remuneration at compensation packages sa mga social worker sa bansa.

Naghain din siya ng SBN 2107, o ang “Freelance Workers Protection Act,” na naglalayong magbigay ng proteksyon at mga insentibo para sa freelance workers.

Kung maipapasa, ang panukala ay kikilala sa mga karapatan ng freelance workers at titiyak na sila ay protektado at sapat ang kabayaran sa serbisyo.

Upang maibsan naman ang hirap ng ekonomiya sa mga pamilyang Pilipino, co-author at sinuportahan ni Go ang SBN 2534, na nagmumungkahi ng pagtaas ng minimum na sahod na P100 sa buong bansa.

Sa araw ding iyon, dumalo at sumuporta rin si Go sa isang mass wedding ceremony na inorganisa ni Congressman Gus Tambunting sa Parañaque City. RNT