Home METRO Pamilyang magpapahilot, na-aksidente; ina patay

Pamilyang magpapahilot, na-aksidente; ina patay

MANILA, Philippines – Nauwi sa trahedya ang pagbisita ng isang pamilya para sa ‘hilot’ matapos na mahulog sa bangin ang sinasakyan nitong “tangkal-tangkal”sa Sitio Kambawog, Brgy. Kampo 4 sa Talisay City.

Nasawi ang ina ng pamilya na kinilalang si Marilyn Sabal, habang sugatan naman ang asawa nitong si Jerome at isang-taong gulang na anak nila na agad dinala sa Cebu South Medical Center.

Nananatiling nasa ospital si Jerome dahil sa seryosong pinsala sa katawan habang nakalabas a ang bata na nasa pangangalaga ng mga kaanak.

Hindi pa matukoy kung paano nangyari ang aksidente bagama’t pinaniniwalaan ng mga awtoridad na posibleng nahulog ang sinasakyan ng mga ito sa bangin Huwebes ng gabi kung kalian iniulat na umalis ang mga biktima sa bahay nito sa Brgy. Quit Pardo sa Cebu City para dalhin ang kanilang anak para ipahilot.

Hindi rin matiyak kung saang lugar patungo ang pamilya.

Samantala, ayon sa mga residente ay narinig ila ang iyak ng bata bandang alas-11 ng umaga ng Biyernes.

Dito na nila nakita ang bata sa damuhan kasama ang wala nang malay na ama malapit sa ilog habang nakasampay naman sa puno ang katawan ng ina.

Ayon kay Jonathan Tumulak, hepe ng City of Talisay Traffic Operations and Development Authority (CTTODA), si Marilyn ay patay na ng halos 12 oras nang matagpuan. RNT/JGC