MANILA, Philippines – Isa nang tropical storm ang tropical depression Dindo ngayong Lunes, sabi ng PAGASA habang ang Southwest Monsoon (Habagat) naman ay magdadala ng mga pag-ulan sa Batanes at Babuyan Islands.
Alas-4 ng umaga, ang sentro ng Dindo ay tinatayang nasa 640 km hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes, taglay ang maximum sustained winds na 65 km/h malapit sa gitna, pagbugsong aabot sa 80 km/h, at central pressure na 1000 hPa .
Kumikilos si Dindo pahilagang silangan sa bilis na 10 km/h.
Mula sa gitna nito, ang malakas hanggang sa lakas ng hangin ay umaabot palabas hanggang 320 km.
Walang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signals (TCWS) dahil hindi inaasahang magkakaroon ng direktang epekto ang bagyo sa bansa.
“Dahil may kalayuan ang bagyong Dindo, wala tayong nakataas na tropical cyclone wind signal. Hindi rin inaasahan na magkakaroon ito ng epekto sa saan mang bahagi ng ating bansa,” ani PAGASA weather specialist Rhea Torres sa isang interbyu.
Magiging katamtaman ang karagatan sa Extreme Northern Luzon dahil sa Dindo at Southwest Monsoon.
Inaasahang lalabas si Dindo sa Philippine Area of Responsibility sa loob ng susunod na anim na oras, sinabi ng PAGASA sa kanilang 5 a.m. tropical cyclone bulletin.
Pagkatapos ay lilipat ito sa East China Sea patungo sa Korean Peninsula o sa baybayin ng silangang Tsina. RNT