Home METRO Direktang ugnayang pangkalakalan ng Maynila at Ilocos Norte, inilunsad; sariwang produktong agrikultura,...

Direktang ugnayang pangkalakalan ng Maynila at Ilocos Norte, inilunsad; sariwang produktong agrikultura, direkta na!

62
0

MANILA, Philippines — Binuksan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang direktang ugnayang pangkalakalan sa lalawigan ng Ilocos Norte matapos nitong tanggapin ang trade delegation ng nasabing probinsya noong Lunes, Mayo 4, na layong dalhin ang mga produktong agrikultura direkta sa mga hotel, restaurant, at café sa lungsod.

Isinagawa ang product showcase kasabay ng lingguhang flag-raising ceremony sa Manila City Hall kung saan personal na sinalubong ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso si Ilocos Norte Vice Governor Matthew Marcos Manotoc at ang kanyang delegasyon.

Nabatid na kabilang sa mga dumalong institutional buyers ang mga kinatawan mula sa Diamond Hotel, Bayview Park Hotel, Aviary Cafe, at Grand Cafe 1919.

Ayon kay Domagoso, malaking pakinabang ito para sa Maynila dahil nagkakaroon ng direktang access ang lungsod sa de-kalidad at sariwang produkto mula sa probinsya sa mas mababang presyo kumpara sa karaniwang dinadaanan ng supply chain.

“Akala nila kami ang gumagawa ng pabor sa kanila. Hindi po, baliktad. Sila ang tumutulong sa atin sa pamamagitan ng pagdadala ng kanilang mga produktong agrikultura at iba pang produkto mula sa kanilang lalawigan, kaya nagkakaroon tayo ng access sa de-kalidad at abot-kayang presyo,” ani Domagoso.

Ipinaliwanag pa ng alkalde na ang mas mababang presyo ng produkto para sa institutional buyers ay magreresulta sa mas mataas na kita, mas maraming empleyong makukuha, at dagdag na buwis para sa lungsod.

Dagdag pa niya, nauna nang isinagawa ang kaparehong modelo ng direktang kalakalan sa delegasyon mula Nueva Ecija noong nakaraang linggo, at inaasahan pang susunod ang iba pang lalawigan sa mga darating na linggo.

Samantala, tiniyak ni Manotoc ang kalidad ng mga produktong dala ng Ilocos Norte at nangakong personal niyang aaksyunan ang anumang reklamo mula sa mga mamimili.
“Sa amin po, walang shortcut. We farm the right way, the old school way. We can guarantee the quality, at kung hindi man, ako na po ang bahala—mag-e-exchange o magre-reimburse kung may reklamo,” ani Manotoc.

Ayon pa sa bise gobernador, naisakatuparan ang nasabing trade mission matapos niyang personal na makipag-ugnayan sa Manila City Hall noong Oktubre ng nakaraang taon upang hilingin ang pagho-host ng delegasyon. JAY Reyes

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here