MANILA, Philippines – Isusulong ng Department of Science and Technology (DOST) ang paggamit ng artificial intelligence (AI) at pakikipagtulungan sa pribadong sektor para palakasin ang kakayahan ng bansa sa pagtugon sa sakuna, ayon kay DOST Secretary Renato Solidum Jr.
Sa kaniyang State of the DOST Address nitong Sabado, Hulyo 19, binigyang-diin ni Solidum na kailangan ang modernong teknolohiya upang mapabilis ang pagtugon sa epekto ng klima at kalamidad.
“Ang resilience ay hindi lang basta pag-survive—dapat ay mag-thrive din tayo,” ani Solidum.
Kabilang sa mga inisyatiba ng ahensya ang AI for RP, isang proyekto na inilunsad noong Abril 2024 na gumagamit ng high-resolution AI models para mapahusay ang accuracy ng weather forecasting at mapabilis ang lead times ng babala.
Dagdag pa rito, katuwang ng AI program ang implementasyon ng Phivolcs Modernization Act, na nilagdaan noong Abril 2025 upang palakasin ang kakayahan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa hazard forecasting.
Sa ilalim ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), pinabuti rin ang Weather and Climate Forecasting and Warning Program at Flood Forecasting and Warning Program. Walong X-band radars ang na-deploy mula 2022 hanggang 2024 para masubaybayan ang mga pagbabago sa ilog at baybayin.
“Ang pagpapahusay ng mga sistemang ito ay nagpapatuloy para lalong paigtingin ang disaster preparedness,” ani Solidum.
Hinimok din ng kalihim ang Kongreso na ipasa ang mga panukalang batas tulad ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines (VIP) at Philippine National Nuclear Energy Safety (PhilATOM) Act.
“The VIP bill has been ratified by both the Senate and House. If enacted into law, it will truly be a game changer for our health system,” aniya.
“It will strengthen local vaccine production, enhance virus research and ensure faster pandemic response.”
Layunin naman ng PhilATOM na magtatag ng independent regulatory body para sa ligtas at mapayapang paggamit ng nuclear energy ayon sa international standards.
Binigyang-diin din ni Solidum ang suporta ng pribadong sektor sa mga startup. Ipinahayag niyang ilulunsad ng DOST ang WannaKnow, isang AI chatbot na magsisilbing digital mentor ng mga innovator mula ideation hanggang marketing.
Ang WannaKnow ay bahagi ng Propel Program na layong tulungan ang science-based enterprises na maka-access sa investors, mentors, at commercial markets. RNT/JGC