Home NATIONWIDE Discussion Paper sa responsable paggamit ng AI sa trabaho, ilalabas ng DOLE

Discussion Paper sa responsable paggamit ng AI sa trabaho, ilalabas ng DOLE

MANILA – Nakatakdang ilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa katapusan ng Marso ang isang discussion paper na nagbabalangkas ng mga alituntunin para sa responsableng paggamit ng artificial intelligence (AI) sa mga lugar ng trabaho.

Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, layunin ng inisyatiba na tiyakin ang ethical AI integration na magpapanatili ng seguridad sa trabaho, susuporta sa pag-unlad ng mga manggagawa, at magtataguyod ng pananagutan ng tao sa mga proseso ng pagpapasya.

Sa dalawang araw na konsultasyon sa Clark, Pampanga, tinipon ng DOLE ang mga kinatawan mula sa gobyerno, industriya, sektor ng paggawa, at akademya upang pag-usapan ang patas na gawi sa pagtatrabaho, re-skilling programs, at mga patakarang magpoprotekta sa karapatan ng mga manggagawa habang isinusulong ang teknolohikal na pagbabago.

Binigyang-diin ni DOLE Bureau of Local Employment Director Patrick Patriwirawan Jr. ang pangangailangang balansehin ang proteksyon ng manggagawa at ang kakayahan ng mga negosyo na gamitin ang AI. Nakatuon ang talakayan sa governance frameworks, proteksyon sa data privacy, patuloy na pagsasanay, at aktibong pakikilahok ng mga manggagawa.

Tinalakay rin ang epekto ng AI sa sektor ng IT-BPM, pananalapi, at pagmamanupaktura, pati na rin ang pangangailangan ng inklusibong mga polisiya upang maayos na mapangasiwaan ang paglipat sa AI-driven workplaces.

Nagpahayag ng suporta ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa inisyatiba ng DOLE at nangakong isusulong ang patas at responsableng paggamit ng AI sa bansa.

Ang konsultasyon ay bahagi ng pagbuo ng iminungkahing Labor Advisory na “Future Workforce sa isang AI Workplace,” na magsisilbing gabay sa ethical AI integration, skills development initiatives, at worker protection mechanisms.

Ang pagsisikap na ito ay umaayon sa Republic Act No. 11927 o Philippine Digital Workforce Competitiveness Act, kung saan pinamumunuan ng DOLE ang mga programa upang pahusayin ang digital skills at kahandaan ng mga manggagawa sa pakikipagtulungan sa DICT at iba pang ahensya. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)