MANILA, Philippines- Inihain sa Commission on Elections (Comelec) ang petisyon na idiskwalipika bilang kandidato ang ilang miyembro ng political dynasties kabilang sina dating President Rodrigo Duterte, House Speaker Martin Romualdez, at Senator Cynthia Villar.
Sa 31 pahinang petisyon na inihain ng Alyansa ng Nagkakaisang Mamamayan (ANIM), hiniling na madiskwalipika ang mga respondents na sina Matthew Manotoc, Peter Cua, Duterte, Romualdez, at Villar, sa National and Local Elections sa May 2025, na sinasabing nilabag ng mga kandidato ang “anti-political dynasty provision of the 1987 Constitution.”
Nagsasaad sa Article II Section 26 ng 1987 Constitution na: “State shall guarantee equal access to opportunities for public service and prohibit political dynasties as may be defined by law”
Gayunman, walang batas na naipasa upang maisabatas ang probisyong ito.
Samantala, sinabi ng ANIM na ang pamilya Duterte ay dapat ding madiskwalipika dahil sinakop nila ang posisyon bilang alkalde ng Davao City sa kabuuang 33 taon sa nakalipas na 37 taon, at patuloy na namumuno sa Davao City sa huling 23 taon mula noong 2001.
Ang dating Pangulo ay tumatakbo para sa muling halalan bilang Davao City mayor sa 2025 May polls, kasama ang kanyang anak na si Sebastian Duterte bilang kanyang running-mate
Gayundin, ang mga petitioner ay nanawagan para sa diskwalipikasyon ni Matthew Manotoc — anak ni Senador Imee Marcos at pamangkin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. — matapos na ang kanyang pamilya ay “sinakop ang posisyon ng gobernador ng Ilocos Norte mula noong 1971 at patuloy itong hawak sa nakalipas na 26 na taon, mula noong 1998,” at House Speaker Martin Romualdez — pamangkin ni dating Unang Ginang Imelda Marcos — matapos ang kanyang pamilya ay “masakop ang posisyon ng District Representative ng Unang Distrito ng Leyte mula noong 1995.”
Nais din ng ANIM na idiskwalipika si Senador Cynthia Villar, na ang pamilya ay “patuloy na inokupa ang posisyon ng District Representative ng lone district ng Las Piñas sa nakalipas na 26 na taon.”
Kamakailan ay naghain ang outgoing senator ng kanyang kandidatura para tumakbong kinatawan ng nag-iisang distrito ng Las Piñas City habang hinahangad niyang palitan ang kanyang anak na si Rep. Camille Villar, na sasabak sa karera sa Senado.
Kapag nanalo ang nakababatang Villar, makakasama nito ang kanyang kapatid at incumbent Senator Mark Villar sa Upper Chamber.
Samantala, sinabi ng mga petitioner na dapat madiskwalipika si Peter Cua na tumakbo bilang gobernador ng Catanduanes dahil ang kanilang pamilya ay “nag-okupa sa posisyon sa nakalipas na siyam na taon, sa kabuuang 15 taon sa nakalipas na 18 taon.”
Kapag nahalal, ang aspirant ay magtatagumpay at papalitan ang kanyang kapatid – nanunungkulan na Gobernador Joseph Cua – na umabot na sa kanyang pinakamataas na tatlong termino bilang gobernador. Jocelyn Tabangcura-Domenden