MANILA, Philippines — Itinanggi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang mga espekulasyong tatakbo siya sa 2028 elections, kasabay ng paggigiit na trabaho at hindi pangangampanya ang dahilan ng madalas niyang pag-iinspeksyon sa mga infrastructure project.
“Kami ni Sec. Banoy, hindi naman kami politiko e. Itaga niyo sa bato, you will never see us on the ballot,” ani Dizon, na tinukoy din si Transportation Secretary Giovanni “Banoy” Lopez.
Ayon kay Dizon, kailangang personal na bumisita ang mga pinuno ng ahensya sa mga proyekto upang matiyak na natatapos ang mga ito sa takdang panahon, sumusunod sa quality standards at hindi lumalagpas sa budget.
Binatikos din niya ang umano’y kawalan ng sense of urgency sa ilang local DPWH offices, partikular sa mga proyektong matagal nang hindi natatapos.
Sinabi ni Dizon na nakikita nilang mas mabilis natatapos ang ilang proyekto kapag mahigpit ang monitoring at malinaw ang timeline ng mga implementing office.
Kasabay nito, isinusulong ng DPWH ang paggamit ng multi-year contractual authority para sa mga infrastructure project na nangangailangan ng dalawa o higit pang taon upang matapos, upang magkaroon ng tuloy-tuloy na pondo at maiwasang maabandona kapag nagpalit ang mga opisyal.
Mas mahigpit na rin ang documentary requirements bago maisama ang proyekto sa budget, kabilang ang complete program of work, validated geotagged photos, master plan o katumbas na local plan, at certificate of implementability. Kris Jose