MANILA, Philippines – Plano ni Public Works Secretary Vince Dizon na makipag-pulong sa dating kalihim ng DPWH at ngayon ay Senador Mark Villar para makuha ang kanyang mga insight sa mga umano’y anomalya sa mga proyekto sa pagkontrol sa baha.
“I’m trying to find time to see him also because, you know, I worked with him during Build Build Build. He’s a very good friend. I have to listen to everybody,” aniya.
Sinabi ni Dizon na makatarungan lamang na sagutin ni Villar, na nagsilbi bilang Kalihim ng Department of Public Works and Highways sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte mula 2016 hanggang 2021, ang ilan sa mga tanong ng publiko hinggil sa posibleng katiwalian noong panahon niya sa DPWH.
“I think that’s fair. He was here for 6 years. I’m sure he will welcome that and he will respond to that,” ani pa niya.
Samantala, sinabi ni Dizon na maglalatag siya ng ilang anti-corruption safeguards sa mga susunod na linggo bilang bahagi ng kanyang misyon na linisin ang ahensya.
Aniya, ilan sa mga hakbang na ito ay iminungkahi sa kanya nina dating DPWH chiefs Rogelio “Babes” Singson, na nagsilbi sa ilalim ni dating Pangulong Noynoy Aquino, at Jose “Ping” De Jesus, na humawak sa posisyon noong termino ni Corazon Aquino, sa kanilang pagpupulong noong Linggo.
“Humingi ako ng tulong para maintidihan ko, ano ba ‘yung mga ginawa nila noong mga panahon nila para kahit papano, gawing mas transparent, mas maayos ang pamamalakad dito sa DPWH (kasi) grabe talaga… Hindi lang ‘to top level corruption. Ito hanggang baba,” saad ni Dizon.
Isa sa mga tinitignan niya ay ang pagpapababa ng estimates.
“It’s a cost estimate of everything— semento, pako, bakal, aggregates, lahat yan… Yung cost estimates ng DPWH, mataas for whatever reason so pwedeng ibaba ‘yan. Sabi ni Sec. Babes, just by bringing it down, you’re already starting to solve a little bit of the problem kasi tongpats e. Mataas ang cost, makakapagpatong sila,” aniya.
Isa pa dito ay ang pag-apruba ng local government units sa mga proyekto.
“The President told me nung governor siya, may acceptance or may sign off ang LGU sa mga project ng national government. Nagulat na lang siya nung sinabi sakanya ni Mayor (Benjamin) Magalong na wala na yun. Ibabalik natin yun,” saad ni Dizon.
Gusto din ni Dizon, ipatupad ang mahigpit na project identification at monitoring, matapos na madiskubre ang mga ‘ghost’projects sa ilang lugar sa bansa.
“Pag nagpalabas na tayo ng bagong rules and guidelines, pag may di sumunod dyan, kahit isa, tanggal sa trabaho yan. Kakasuhan natin yan,” ani pa niya.
Sinabi rin ni Dizon na masigasig siyang gumawa ng higit pang pakikipagtulungan sa mga LGU, at maging sa Armed Forces of the Philippines Corps of Engineers, sa pagtatayo ng mga flood control system at iba pang proyektong pang-imprastraktura. RNT/MND