Home NATIONWIDE DMW, DOT nagtulungan para sa Balik Bayani sa Turismo

DMW, DOT nagtulungan para sa Balik Bayani sa Turismo

MANILA, Philippines – Maaari na ngayong magsimula ng kanilang sariling negosyo sa pagkain ang 41 na reintegrating overseas Filipino workers (OFWs) matapos ang tatlong araw na tourism culinary course na isinagawa Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Tourism (DOT) sa Lingayen, Pangasinan mula Agosto 7-9, 2024.

Ang partnership program na tinaguriang “Balik Bayani sa Turismo: Tourism Kulinary Training” ay naglalayong pahusayin ang culinary skills ng mga dating OFWs para mapalakas ang kanilang employability sa culinary tourism sector.

Sinanay ng kilalang Chef na si Ellen Rivera ang mga OFW sa paghahanda ng pagkain, kaligtasan ng pagkain, pamamahala sa negosyo, mga batas sa negosyo ng pagkain, at iba pang disiplina sa pagluluto.

Kabilang sa mga pagkaing inihanda ng mga kalahok ay ang mga local cuisine tulad ng Binakol, Beef Salpicao, Sinuglaw Ngohiong (Lumpia Cebu), Bringhe, Hardinera, at Tibok Tibok.

Para magsimula sa kanilang food business venture, ang DMW ay nagbigay ng financial assistance na halagang P10,000 sa bawat lumahok na OFW bilang pasimulang puhunan para sa pagtatayo ng kanilang pagkukunan ng kabuhayan sa local culinary tourism.

Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat si DMW Assistant Secretary Venecio Legaspi, na nanguna sa pamamahagi ng cash assistance sa mga kalahok ng OFW, sa Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa pagho-host ng pilot implementation ng Balik Bayani sa Turismo bilang suporta sa Reintegration Program ng National Government para sa mga OFW. Jocelyn Tabangcura-Domenden