Home HOME BANNER STORY DMW handa sa posibleng evacuation ng Pinoys sa France, Italy

DMW handa sa posibleng evacuation ng Pinoys sa France, Italy

1
0

MANILA, Philippines – Nakahanda ang Department of Migrant Workers (DMW) sa posibleng evacuation at repatriation ng mga Pilipino sakaling lumala ang sitwasyon bunsod ng mga protesta sa France at Italy.

Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac nitong Miyerkules na bukas na ang communication at assistance lines ng pamahalaan para sa mga overseas Filipino na maaaring mangailangan ng tulong.

Sa kasalukuyan, wala pa umanong Pilipinong naiulat na nasaktan o direktang naapektuhan ng mga kaguluhan sa dalawang bansa.

“Humupa na rin [’yung incidents] as far as we know. Kontrolado na ng law enforcement doon sa mga lugar na ’yun ang sitwasyon,” ani Cacdac sa Kapihan sa Manila Hotel.

Gayunman, sinabi ng DMW chief na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang patuloy na monitoring sa sitwasyon at paghahanda para sa posibleng evacuation o repatriation ng mga Pilipino kung kinakailangan.

Nakikipag-ugnayan na rin ang DMW sa Philippine Embassies sa Paris at Rome, gayundin sa Philippine Consulate General sa Milan.

“We will be here to help them and to guide them in coordination with our embassies and Consulate General’s office,” ani Cacdac.

Niyanig nitong mga nakaraang araw ang France ng malawakang protesta laban sa tumataas na cost of living at humihinang public services.

Umabot sa daan-libong demonstrators ang lumahok sa mga kilos-protesta noong Oktubre 17, habang nauwi sa riot, looting at pagsunog ng mga ari-arian ang ilang pagtitipon sa Paris, Marseille, Lyon at iba pang lungsod. Mahigit 1,200 katao ang naaresto sa unang bahagi ng unrest habang mahigit 150 pulis ang nasugatan, ayon sa French authorities.

Sa Italy naman, nagkaroon ng magkakahiwalay na protesta at pagkilos dahil sa mataas na presyo ng gasolina, inflation at iba pang economic concerns.

Nagpatupad din ng mga road blockade ang ilang truck drivers sa southern Italy dahil sa mataas na fuel costs, na nakaapekto sa supply ng pagkain at iba pang produkto sa ilang lugar.

Patuloy na pinapayuhan ng DMW ang mga Pilipino sa France at Italy na bantayan ang mga abiso ng Philippine diplomatic posts at umiwas sa mga lugar na may malalaking demonstrasyon. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here