MANILA, Philippines – Magkaiba ang impormasyong hawak ng Department of Justice (DOJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG) hinggil sa kinaroroonan ng puganteng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.
Sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na batay sa kanilang intelligence information ay nakalabas na ng Pilipinas si Ang at umano’y gumamit ng “backdoor” o hindi opisyal na ruta upang makatakas ng bansa.
Taliwas dito, sinabi ni Justice Secretary Fredderick Vida nitong Miyerkules na wala pang opisyal na rekord ang Bureau of Immigration (BI) na nagpapatunay na nakaalis na ng Pilipinas si Ang.
Ayon kay Vida, hindi niya alam kung saan nagmula ang intelligence report na tinukoy ni Remulla at hindi pa niya makukumpirma ang impormasyon hinggil sa paglabas ng bansa ng negosyante.
“Hindi ko pa ito makukumpirma sapagkat ang pinagbabasehan ay ang records mula sa Immigration,” ani Vida.
Nilinaw naman ng DOJ chief na hindi niya direktang kinokontra ang pahayag ni Remulla, ngunit mananatili silang nakabatay sa opisyal na immigration records habang wala pang kumpirmadong impormasyon sa pag-alis ni Ang.
Nauna nang sinabi ni Remulla na walang BI record ng legal na pag-alis ni Ang sa Pilipinas, ngunit naniniwala ang DILG na gumamit ito ng hindi opisyal na ruta palabas ng bansa.
May impormasyon din ang DILG na maaaring nagtungo si Ang sa Cambodia matapos makaalis ng Pilipinas, bagama’t hindi nagbigay si Remulla ng buong detalye upang hindi umano makompromiso ang nagpapatuloy na operasyon ng mga awtoridad.
Hindi ito ang unang pagkakataong sinabi ng DOJ na walang rekord ng paglabas ng bansa si Ang. Noong Pebrero, sinabi rin ni Vida na batay sa kanilang impormasyon at immigration records ay naniniwala silang nasa Pilipinas pa ang negosyante, bagama’t hindi niya inalis ang posibilidad na makaalis ito gamit ang hindi opisyal na ruta.
Patuloy na pinaghahanap si Ang kaugnay ng mga kasong kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention na nag-ugat sa pagkawala ng mga sabungero.
May mga warrant of arrest na inilabas laban sa kanya ng mga korte sa Laguna at Batangas. Itinuturing siyang fugitive from justice habang nagpapatuloy ang operasyon ng mga awtoridad para sa kanyang pagkakaaresto. Jocelyn Tabangcura-Domenden