MANILA, Philippines – Kanselado ang ilang biyahe sa dagat sa Bicol Region at Masbate simula alas-12 ng tanghali nitong Miyerkules, Oktubre 21, habang patuloy na naaapektuhan ng Super Typhoon Rosal ang kondisyon ng panahon at karagatan.
Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), hindi mismong ahensya ang nagkakansela ng mga biyahe ng barko.
Awtomatikong sinususpinde ang biyahe kapag nagpatupad ang Philippine Coast Guard (PCG) ng no-sail policy, habang maaari ring magkansela ang mga shipping company alinsunod sa kanilang Certificate of Public Convenience na inisyu ng Maritime Industry Authority (MARINA).
Sa ilalim ng Port Management Office (PMO) Bicol, kanselado ang biyahe ng Sam’s Water Transport Services sa rutang Legazpi City–Rapu-Rapu, Albay at pabalik.
Apektado rin ang biyahe ng Rapu-Rapu Batan Transport Cooperative sa Rapu-Rapu–Legazpi route at vice versa.
Samantala, kanselado rin ang biyahe ng MV San Jacinto ng Kho Shipping Lines Inc. sa rutang Mobo, Masbate–Claveria, Masbate–Pio Duran, Albay at pabalik. Gayunman, nakasaad sa advisory na ang kanselasyon nito ay dahil sa preventive maintenance service at hindi dahil sa bagyo.
Sa PMO Masbate naman, kanselado ang lahat ng fastcraft trips ng Montenegro Shipping Lines sa rutang Masbate City–Pilar, Sorsogon at vice versa.
Suspendido rin ang biyahe ng Montenegro Shipping Lines mula Masbate City patungong Lucena City.
Pinapayuhan ang mga pasaherong may nakatakdang biyahe na makipag-ugnayan muna sa kanilang shipping line o bantayan ang mga abiso ng PPA at PCG bago magtungo sa pantalan.
Patuloy namang binabantayan ng PAGASA ang Super Typhoon Rosal na nananatiling malakas habang kumikilos sa karagatan sa silangan ng Northern Luzon. Jocelyn Tabangcura-Domenden