PAGADIAN CITY – Nasabat ng mga sundalo ang tinatayang ₱29.18 milyong halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes sa Barangay Old Labangan, Labangan, Zamboanga del Sur madaling araw nitong Miyerkules.
Ayon sa inisyal na ulat, nagpapatrolya ang mga tauhan ng Philippine Army’s 53rd Infantry Battalion dakong alas-12:30 ng madaling araw nang madiskubre ang malaking bulto ng mga sigarilyong nakasalansan sa baybayin.
Pinangunahan ni 1st Lt. Arnulfo Ramonez ang mga sundalong nagsagawa ng operasyon.
Sa paunang imbentaryo, umabot sa 448 kahon ng hinihinalang puslit na sigarilyo ang narekober na tinatayang nagkakahalaga ng ₱29,185,000.
Agad nakipag-ugnayan ang Army sa mga opisyal ng barangay, Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at Bureau of Internal Revenue (BIR) para sa joint inventory at tamang pagproseso ng mga nakumpiskang produkto.
Pansamantalang ilalagak ang mga nasamsam na sigarilyo sa CIDG warehouse sa Barangay Dao, Pagadian City para sa kustodiya at kaukulang disposisyon.
Patuloy naman ang koordinasyon at imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung saan nagmula at kung saan dadalhin ang kargamento.
Wala pang iniulat na naarestong indibidwal kaugnay ng pagkakadiskubre sa mga sigarilyo. Mary Anne Sapico