AGUSAN DEL SUR – Umakyat na sa 18 ang bilang ng mga nasawi dahil sa dengue sa Agusan del Sur matapos makapagtala ng dalawa pang pagkamatay, ayon sa Provincial Health Office (PHO).
Umabot naman sa 2,775 ang kabuuang dengue cases na naitala sa lalawigan mula Enero 1 hanggang Oktubre 20, na may case fatality rate na 0.65 porsiyento.
Nauna nang nagdeklara ang pamahalaang panlalawigan ng dengue outbreak noong Oktubre 1 dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso sa ilang bayan.
Noong Oktubre 18, nasa 2,572 ang naitalang kaso at 16 ang nasawi.
“As we continue to monitor the dengue situation in Agusan del Sur, surveillance data and assessments conducted in coordination with our partner agencies have revealed a significant increase in cases,” pahayag ni PHO nurse Katrina Isabelle Cinco.
Binigyang-diin niya na nangangailangan ang dengue prevention ng mas pinaigting na pagkilos at kooperasyon ng buong komunidad.
Batay sa epidemiological profile ng PHO, nasa edad tatlo hanggang 52 ang mga nasawi, habang 20 taong gulang ang average age ng mga namatay.
Pinakamaraming dengue deaths ang naitala sa Bayugan City na may anim, kasunod ang Rosario na may lima.
Dalawang pagkamatay naman ang naitala sa Loreto, Bunawan at San Francisco habang isa sa Trento.
Ayon sa health officials, nananatiling kabilang sa pinakaapektadong grupo ang mga batang nasa school age at kabataang adolescents.
Pinakamaraming kaso ang kabilang sa edad 10 hanggang 14, na bumubuo sa 18.24 porsiyento ng kabuuang kaso sa lalawigan.
Patuloy na hinihikayat ng mga awtoridad ang publiko na alisin ang mga posibleng pamugaran ng lamok at agad magpakonsulta kapag nakaranas ng mga sintomas ng dengue. Mary Anne Sapico