COTABATO CITY – Nakaligtas ang isang barangay chairman matapos tambangan ng riding-in-tandem gunmen sa Barangay Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Martes ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Ahmad Jabiden, chairman ng Barangay Dinaig Proper.
Ayon kay Datu Odin Sinsuat Mayor Abdulmain “Baba” Abas, nagtamo lamang si Jabiden ng minor injury sa bahagi ng tiyan at nasa stable condition na.
Bandang alas-3:30 ng hapon umano nang pagbabarilin ng mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo ang barangay rescue vehicle na sinasakyan ni Jabiden.
Mabilis na tumakas ang mga salarin matapos ang pamamaril.
Narekober ng mga awtoridad sa lugar ang 17 basyo ng bala mula sa .45-caliber pistol.
Dinala si Jabiden sa Cotabato Regional and Medical Center para sa pagsusuri at medico-legal procedures sa tulong ng mga tauhan ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station.
Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan at motibo ng mga salarin.
Si Jabiden ang ikatlong barangay official ng Datu Odin Sinsuat na inatake ng mga armadong lalaki mula Oktubre 11.
Noong Oktubre 12, binaril at napatay si Barangay Bungued kagawad Datu Amil Beno habang bumibiyahe sa isang farm-to-market road sa bayan. Dalawang riding-in-tandem gunmen din ang itinuturong responsable sa naturang pag-atake.
Nauna ring mapatay si Barangay Dados chairman Datu Manalao “Clao” Mangelen Nur sa Esperanza, Sultan Kudarat.
Kinondena ni Abas ang sunod-sunod na pag-atake sa mga opisyal ng barangay at nanawagan sa mga awtoridad na papanagutin ang mga responsable. Mary Anne Sapico