Manila, Philippines — Nagbabala ang Department of Migrant Workers (DMW) sa publiko laban sa mga illegal recruitment scams na nangangako ng trabaho sa ibang bansa sa pamamagitan ng tourist visa arrangements o pagkukunwaring missionary work.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, may isang indibidwal na isinampa na ng kaso sa Department of Justice kaugnay ng ganitong uri ng panlilinlang.
Ibinunyag ng kalihim na may mga kaso na ang mga Pilipino ay umaalis ng bansa gamit ang tourist visa, dala ang pangakong may trabahong naghihintay sa kanila. Ngunit sa kanilang pagdating, walang aktwal na trabaho ang nakalaan, dahilan upang mapahamak o maipit sila sa mapanganib na sitwasyon.
Tinukoy ni Cacdac na ang mga scam hubs ay aktibo sa Southeast Asia, partikular sa Myanmar, Laos, at Cambodia, kung saan karaniwang entry points ang Thailand at Malaysia.
Karaniwan umanong ginagamit ng mga recruiter ang tourist visa imbes na legal work permits, na malinaw na labag sa batas at mapanganib para sa mga OFW.
“Ang tamang paraan para makapagtrabaho sa abroad ay sa pamamagitan ng lisensyadong recruiter at work visa, hindi tourist visa o online recruiter na nagpapanggap bilang missionary,” giit ni Cacdac.
Payo pa niya sa mga nagnanais magtrabaho abroad:
-Siguraduhing lisensyado ng DMW ang recruiter
-Tiyaking may opisyal na opisina
-Humingi ng resibo para sa anumang bayad
Patuloy ang paalala ng DMW na mag-ingat sa mga mapanlinlang na alok na maaaring magbunsod ng human trafficking at iba pang uri ng pang-aabuso. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)