Home NATIONWIDE DMW nagpasaklolo sa DFA sa pagkawala ng 2 OFW sa Hong Kong

DMW nagpasaklolo sa DFA sa pagkawala ng 2 OFW sa Hong Kong

298
0

MANILA, Philippines – Nababahala ang Department of Migrant Workers (DMW) sa iniulat na pagkawala ng dalawang overseas Filipino workers (OFW) sa Hong Kong at tiniyak sa publiko na ang ahensya ay mahigpit na nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad doon upang mahanap ang mga nawawalang manggagawa.

Sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na nakikipagtulungan din sila sa Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine Consulate General, Hong Kong Police Force, at Hong Kong Immigration Department.

Kinilala ng DMW ang mga nawawalang OFW na sina Imee Mahilum Pabuaya, 24, at Aleli Perez Tibay, 33.

Batay sa ulat mula sa Migrant Workers Office sa Hong Kong, ang dalawang OFW ay huling nakita noong Oktubre 4 sa Tsuen Wan District.

Umaapela ang DMW sa sinumang may impormasyon sa kinaroroonan nina Pabuaya at Tibay na makipag-ugnayan sa Philippine Consulate o MWO-Hong Kong, na binigyang-diin na kahit maliit na detalye o larawan ay makatutulong sa paghahanap.

Nagpahayag din ng pakikiisa ang DMW sa pamilya ng mga OFW habang tiniyak sa kanila na isinasagawa ang lahat ng posibleng hakbang upang mahanap ang kanilang mga mahal sa buhay.

Ayon sa ahensya, handa silang magbigay ng lahat ng kinakailangang suporta, kabilang ang legal, medical, emergency assistance, at maging emotional aid sa kanilang pamilya.

Inulit ng DMW ang pangako nitong protektahan ang kapakanan ng lahat ng manggagawang Pilipino abroad, at binigyang-diin na ang kaligtasan ng bawat OFW ay nananatiling pangunahing tungkulin nito. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here