Home HOME BANNER STORY DMW, OWWA, DFA sa MidEast hirap makontak – Tulfos

DMW, OWWA, DFA sa MidEast hirap makontak – Tulfos

166
0

MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pangamba sina Senador Raffy Tulfo at Erwin Tulfo matapos umanong mahirapang makontak ang ilang tanggapan ng Department of Migrant Workers, Overseas Workers Welfare Administration, at Department of Foreign Affairs sa Middle East sa gitna ng tumitinding tensyon sa rehiyon.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Migrant Workers, sinabi ni Raffy Tulfo na nakatanggap siya ng mga reklamo mula sa overseas Filipino workers na hindi sinasagot ang mga hotline at telepono ng mga naturang ahensya.

“In fairness to you guys, baka overwhelmed kayo, nabi-busy ang hotlines. Kaso sinasabi, ring nang ring lang daw,” ani Raffy.

Binanggit din niya ang mga komento na may ilang tauhan umano ng DMW at OWWA na hindi pumapasok sa trabaho habang ang mga OFW ay patuloy na nagtatrabaho ayon sa utos ng kanilang mga amo.

Bilang tugon, sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Cacdac na sisiyasatin niya ang usapin at uutusan ang human resource teams na tukuyin ang mga tauhang hindi pumapasok sa trabaho sa gitna ng krisis.

Gayunman, iginiit ni Cacdac na inatasan na niya ang lahat ng tanggapan ng DMW sa Middle East na manatiling ganap na operational.

“Definitely, Mr. Chair. Ang instructions po ngayon, all hands on deck. Those are my exact words… Walang maga-absent. Everybody should be there, everybody should be working on the ground. This is not the time to be absent,” aniya.

Samantala, sinabi ni Senador Erwin Tulfo na ang mga tauhan ng pamahalaan sa Middle East na natatakot o hindi kayang tumulong nang maayos sa mga OFW ay dapat magbitiw na lamang sa kanilang tungkulin.

“Kailangan po kayo ngayon ipakita niyo ‘yung inyong trabaho. Kung natatakot kayo, lumayas kayo diyan, mag-resign kayong lahat, wala naman po kayong mga silbi,” aniya.

Nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na mahigit 1,000 Pilipino ang humiling ng repatriation dahil sa sigalot sa Middle East, bagaman nilinaw ng DMW na kabilang sa bilang ang mga hindi OFW at mga turista.

Nanawagan din si Marcos sa mga sangkot sa tensyon sa Middle East na pairalin ang pagpipigil at umaasang magkakaroon ng agarang ceasefire.

Maaaring makipag-ugnayan ang mga Pilipinong nangangailangan ng tulong sa OWWA sa mga emergency hotline: Metro Manila — 1348; Regional — 02-1348; o sa Viber sa +63-915-079-5005 (Globe), +63-969-169-7068 (Smart), at +63-966-473-9543 (Globe). RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here