MANILA, Philippines — Naglaan ang Department of Trade and Industry ng P2 bilyon para sa bagong OFW Negosyo Fund na layong tulungan ang overseas Filipino workers na nais magsimula ng negosyo sa bansa.
Ayon kay Cristina Roque, layunin ng programa na tulungan ang mga OFW na makabalik at makapagsimula muli ng kabuhayan sa Pilipinas, lalo na ang mga naapektuhan ng mga krisis sa ibang bansa.
“We are committed to opening doors for OFWs ready to come home and invest in their own country, especially when external crises force their hand,” ani Roque sa isang pahayag noong Huwebes.
“Access to capital is often the biggest barrier during these uncertain transitions. Through DTI-SBCorp, we’ve tailored this fund to equip them with the resources to build, hire, and secure their families’ futures—no matter the circumstances,” dagdag pa niya.
Maaaring simulan ng mga OFW ang pag-avail ng programa simula Marso 12, 2026. Layunin nitong magbigay ng karagdagang tulong pinansyal sa mga OFW na maaaring mawalan ng trabaho sa ibang bansa, kabilang ang mga apektado ng patuloy na sigalot sa Middle East.
Nag-aalok ang pondo ng pautang mula P30,000 hanggang P20 milyon, may isang taong grace period sa pagbabayad ng kapital at interes para sa mga kwalipikadong produkto, at hanggang limang taong termino ng pagbabayad. Hindi na rin kinakailangan ng collateral para sa mga pautang na hanggang P5 milyon.
Maaaring mag-apply ang mga OFW sa pamamagitan ng DTI-SBCorp Money App o sa web platform na app.sbcorp.ph. Maaari ring magparehistro online sa sbcorp.gov.ph.
Para sa karagdagang tulong, maaari ring bumisita ang mga aplikante sa alinman sa 1,431 Negosyo Centers sa buong bansa. Dave Baluyot