MANILA, Philippines – Nagpaabot ng pakikiramay ang Department of Migrant Workers sa pamilya ng dalawang Filipino seafarer na namatay matapos atakehin ang Saudi-flagged crude oil tanker M/V SIDR habang tumatawid sa Strait of Hormuz noong Agosto 31.
Nangako ang ahensya na ibibigay ang lahat ng tulong at suporta sa mga kaanak ng mga biktima.
“Alam natin na ang pamilya ay dumaranas ngayon ng traumatic experience dahil sa balita na kanilang natanggap sa ‘di inaasahang pagkasawi sa kanilang mahal sa buhay,” sinabi ni Undersecretary Bernard Olalia.
“Sa ngayon, tinutulungan po natin sila. Sa katunayan po, binisita mismo ng ating secretary of the Department of Migrant Workers ang pamilya kahapon sa Laguna, at ngayon ay nasa Cebu naman siya,” dagdag pa.
Sa ngayon ay pinoproseso na ng pamahalaan ang repatriation sa labi ng mga biktima.
“Sa ngayon, ang pamilya ay hindi interesado doon eh [benefits]. Ayaw nilang pag-usapan ‘yun. Ang interested sila, malaman ‘yung tunay na pangyayari, ano ba talaga ang nangyari. Pangalawa, kailan maipaparating ‘yung remains. Kasi ngayon din, pinag-uusapan namin kung sila nga ba talaga ‘yung identity nung kanilang kamag-anak. ‘Yun ang importante.”
Samantala, 14 iba pang Filipino crew members ang nasa ligtas nang lugar at pauuwiin din sa lalong madaling panahon.
“‘Yung 14 na kasama nung dalawang namatay nating kababayang seafarers ay nasa ligtas na lugar na at nasa hotel na po sila. At tayo po ay nag-aasikaso mismo,” sinabi ng opisyal.
Kabilang sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng ahensya ay kung tumanggi ba ang mga Filipino seafarer na maglayag sa Strait of Hormuz.
Sinabi na ang manning agencies ay hindi maaaring magpataw ng retaliatory acts laban sa mga seafarer na tatangging maglayag sa high-risk areas.
Ani Olalia, maaaring magpataw ng sanction laban sa manning agency kung mapatutunayan na lumabag ito sa mga polisiya sa karapatan ng mga seafarer na tumanggi sa paglalayag.
“Sisiguraduhin ng Department of Migrant Workers na may karampatang parusa kapag napatunayan natin na hindi sinunod iyong mga polisiya na iyan. Priority po natin iyong pamilya, iyong remains at iyong natitira pang 14 na agarang maiuwi natin sila nang ligtas at maayos.” RNT/JGC