MANILA, Philippines – Hinimok ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang publiko na seryosohin ang mga earthquake drill kasunod ng serye ng lindol na tumama sa iba’t ibang lugar sa Mindanao sa mga nakalipas na araw.
“Uulitin namin ang paalala sa aming mga kababayan at sa mga LGUs (local government units) na seryosohin ang mga earthquake precautions natin. Awa ng Diyos hindi malaki ang danyos na nangyari sa lindol na ito,” saad sa pahayag ng DND chief nitong Linggo ng gabi, Disyembre 3.
Ito ay kasabay ng epekto ng magnitude 7.4 na lindol na tumama sa Surigao del Sur nitong Sabado ng gabi.
Pinuri naman ni Teodoro ang mga opisyal ng Office of Civil Defense (OCD) sa kanilang mabilis na pagtugon at activation ng national response clusters.
Sa huling ulat ay dalawa na ang nasawi sa naturang lindol.
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang OCD sa NDRRMC at local disaster risk reduction and management offices para sa pinakabagong impormasyon kaugnay ng lindol na tumama sa Surigao, na ilang linggo lamang matapos din na yanigin ng magnitude 6.8 na lindol ang Sarangani at Davao Occidental.
Matatandaan na nag-iwan naman ng 11 nasawi ang lindol sa Sarangani.
Noong nakaraang buwan, inatasan ni OCD administrator, Undersecretary Ariel Nepomuceno ang civil defense officials na palakasin pa ang kanilang earthquake preparedness measures. RNT/JGC