Home NATIONWIDE DOE kinalampag ni Bam sa ‘palit-tangke rules’ sa consumers’ choice

DOE kinalampag ni Bam sa ‘palit-tangke rules’ sa consumers’ choice

2
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senator Bam Aquino sa Department of Energy (DOE) na agad tapusin ang operational guidelines para sa mga liquefied petroleum gas (LPG) cylinder swapping center o Palit Tangke centers upang mabigyan ang mga consumer ng pagkakataong mamili ng mas murang LPG at makatipid para sa iba pa nilang gastusin.

Sa isang liham kay Energy Secretary Sharon Garin na may petsang Sept. 9, 2026, humingi si Aquino ng update sa panukalang Joint Department Circular na sasaklaw sa operasyon ng LPG cylinder swapping centers alinsunod sa Republic Act No. 11592, o ang LPG Industry Regulation Act.

Ipinasa noong Oktubre 2021, itinatag ng RA 11592 ang LPG Cylinder Exchange and Swapping Program upang isulong ang paggamit ng mas ligtas na LPG cylinders, protektahan ang mga consumer, at hikayatin ang mas matinding kompetisyon sa industriya ng LPG.

Sa kasalukuyan, nasa humigit-kumulang P1,031 hanggang P1,536 ang presyo ng isang 11-kilogram na LPG cylinder, depende sa brand at lokasyon.

Ayon kay Aquino, dapat magkaroon ng kalayaan ang mga consumer na pumili ng mas murang LPG mula sa mga awtorisadong nagbebenta, basta nakatutugon sa mga safety requirement ang tangkeng ginagamit.

“Malaking bagay sa isang pamilya o maliit na negosyo kung mapatutupad ang palit tangke at malaya silang makakapili kung saan mas mura ang LPG. Sa kasalukuyang presyo, umaabot sa mahigit P500 ang pagitan ng pinakamura at pinakamahal na presyo ng isang tangke,”  wika ni Aquino, chairperson ng Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship.

“Mas madaling makakapili ang consumers ng mas murang LPG mula sa mga authorized sellers, basta pasok sa safety requirements ang cylinder. Mahalaga ito lalo pa’t nagtaas na naman ang presyo ng LPG,” paliwanag niya.

Ayon kay Aquino, dapat ang brand owner, at hindi ang consumer, ang sumagot sa gastusin kung luma, sira, o nangangailangan ng pagkukumpuni ang cylinder.

Bukod sa pagprotekta sa mga consumer, sinabi niyang mahalaga rin ang pagkumpleto sa guidelines para sa mga stakeholder sa industriya dahil mapapadali nito ang pagtukoy, pagtanggal, at pagpapalit ng mga hindi ligtas o substandard na cylinder na ginagamit sa merkado.

Dagdag pa niya, magbibigay ang guidelines ng malinaw at pare-parehong mga panuntunan sa pagpapalit, paghawak, at pagpapahusay ng LPG cylinders ng iba’t ibang brand.

Hiniling niya sa DOE na magbigay ng update bago ang budget hearing ng ahensya sa Sept. 17 hinggil sa status ng panukalang Joint Department Circular, kabilang ang anumang natitirang isyu, konsultasyon, o kinakailangang approval bago ito maipalabas.

Hiniling din niya kay Garin na magbigay ng target date ng ahensya para sa pagsasapinal at pagpapatupad ng guidelines.

“We hope that the Department can facilitate the prompt completion of these guidelines so that the consumer protection and safety objectives of RA No. 11592 can be fully realized,” wika niya.

Nagpasalamat naman ang Regasco, isang liquefied petroleum gas company, kay Aquino sa kanyang patuloy na suporta sa LPG industry at sa pagsusulong para maipatupad ang RA 11592.

“Patuloy kaming magtutulungan para sa isang mas ligtas, maayos, at tapat na industriya para sa taong-bayan,” wika nito sa isang Facebook post.

Kamakailan, nanawagan si Aquino para sa agarang pagsuspinde ng pangongolekta ng excise tax sa mga produktong petrolyo, matapos mapuna na nananatili sa mahigit $80 kada bariles ang presyo ng Dubai crude oil nang higit 30 araw.

Aniya, may kapangyarihan ang Pangulo, sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 12316, na suspendihin o bawasan ang excise tax sa fuel kapag umabot o lumampas sa $80 kada bariles ang average na presyo ng Dubai crude oil sa loob ng isang buwan.

Bilang bahagi ng kanyang mga hakbang upang mapababa ang presyo ng langis at iba pang bilihin, inihain ni Aquino ang Senate Bill No. 265 na naglalayong alisin ang excise tax sa mga produktong petrolyo, at Senate Bill No. 2047 na naglalayong ibaba mula 12 porsiyento tungo sa 10 porsiyento ang value-added tax (VAT) sa mga produkto at serbisyo, kabilang ang produktong petrolyo. Ernie Reyes 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here