SOUTH COTABATO, Philippines – Ilang estudyante ang sugatan matapos ang pamamaril sa Banga National High School sa Barangay Benitez, Banga, South Cotabato nitong Biyernes, Setyembre 18, 2026.
Ayon sa mga paunang ulat, isinugod sa South Cotabato Provincial Hospital ang ilang biktima para sa agarang gamutan. Patuloy pang kinukumpirma ng mga awtoridad ang eksaktong bilang ng mga nasugatan at kung may nasawi.
Nagkagulo at natakot ang mga estudyante at guro matapos marinig ang sunod-sunod na putok. Ilan sa kanila ang nagtago sa loob ng mga classroom at opisina habang rumesponde ang mga pulis.
Samantala, sinabi ng Department of Education (DepEd) na nakikipag-ugnayan ito sa school division, regional offices at lokal na awtoridad upang beripikahin ang insidente at matulungan ang mga apektado.
Nanawagan din ang DepEd sa publiko na manatiling kalmado at iwasang magpakalat ng hindi kumpirmadong impormasyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. RNT/MDS