Home NATIONWIDE DOE, walang ‘immediate solution’ sa problema sa kuryente sa Visayas –...

DOE, walang ‘immediate solution’ sa problema sa kuryente sa Visayas – Alvares

1
0

MANILA — Wala umanong agarang solusyon ang Department of Energy (DOE) sa paulit-ulit na power supply alerts sa Visayas, ayon kay House Committee on Energy chairman Jose Alvarez matapos ang joint hearing ng tatlong komite ng Kamara nitong Lunes.

“Wala silang immediate solution,” ani Alvarez.

Pinangunahan ng Committees on Energy, Visayas Development at Legislative Franchises ang pagdinig hinggil sa mga sanhi ng paulit-ulit na Yellow at Red Alerts sa Visayas grid, procurement ng ancillary services at mga gastos na ipinapasa sa consumers.

Tinanong ni Alvarez kung bakit nananatiling kapos ang suplay sa Visayas kahit konektado na ang grid nito sa Luzon at Mindanao.

Ayon kay DOE Undersecretary Mario Marasigan, naapektuhan ang supply mula Mindanao dahil sa sabay-sabay na outage ng ilang malalaking power plants kaya nasa 50 megawatts lamang umano ang kasalukuyang naipapadala nito sa Visayas.

Tinukoy rin ni Marasigan ang kakulangan ng conventional at baseload generation sa ilang bahagi ng Visayas, partikular sa Negros.

“Negros walang baseload except for isang geothermal. Puro renewable, solar. Kulang conventional plants,” aniya.

Sinabi ng DOE na kabilang sa agarang hakbang nito ang pagpapabalik sa operasyon ng mga generating unit na naka-forced outage at pagdaragdag ng battery storage capacity.

“Ang importante, makabalik agad yung mga planta na naka-out,” ani Marasigan.

Nitong Lunes, muling isinailalim sa Yellow Alert ang Visayas grid dahil sa kakulangan ng operating reserves. Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines, 11 planta sa Visayas ang nasa forced outage ngayong buwan, habang 17 naman ang tumatakbo sa derated capacity.

Ayon kay Marasigan, maaari pang makaranas ng Yellow at Red Alerts ang rehiyon hanggang sa ikalawa o ikatlong linggo ng Oktubre habang hindi pa ganap na bumabalik ang kinakailangang generation capacity.

Layunin ng pagdinig ng Kamara na tukuyin ang mga hakbang para magkaroon ng mas matatag, sapat at maaasahang suplay ng kuryente sa Visayas. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here