MANILA, Philippines — Sinisiyasat ng House prosecution panel ang posibleng legal na implikasyon ng pagkakadeklara ni Vice President Sara Duterte sa Gencorp Industries Inc. bilang kanyang negosyo sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), kahit hindi umano siya lumilitaw bilang stockholder nito sa mga corporate record.
Ayon kay House prosecution spokesperson Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, lumilitaw sa mga rekord ng Securities and Exchange Commission na ang JTC Group of Companies Philippines Inc., na iniuugnay sa negosyanteng si Jaime T. Cruz, ang may hawak ng halos 55 porsiyento ng Gencorp.
“’Yung si Jaime T. Cruz, hindi lang po ito incidental na pangalan,” ani Alonto Adiong.
Tinukoy rin ng prosekusyon ang pagkakalista umano ni Duterte sa kanyang SALN sa Gencorp kahit hindi siya lumilitaw bilang stockholder nito.
“Tandaan natin na when she declared, when she submitted her SALN, andoon yung Gencorp, eh. I think it’s too obvious to claim it as a mistake kasi sinumpaan mo pa ’yun,” ani Alonto Adiong.
Gayunman, nilinaw ni House prosecution adviser Ace Barbers na hindi pa nila masasabi kung may paglabag sa Anti-Dummy Law at kailangan pang suriin ang relasyon nina Duterte, Cruz at JTC.
“Merong dapat pang suriin mabuti na dokumento tungkol dito sa JTC o ’yung Jaime T. Cruz na could be a trustee ng Pangalawang Pangulo,” ani Barbers. “We cannot at the moment say na dummy ito.”
Ang Anti-Dummy Law o Commonwealth Act No. 108 ay pangunahing nagbabawal sa paggamit ng pangalan o citizenship ng ibang tao upang iwasan ang mga batas na nagtatakda ng nationality requirements sa ilang negosyo, karapatan, prangkisa o pribilehiyo.
Nauna nang tumanggi ang Senate impeachment court na magpalabas ng ilang subpoena para sa financial at tax records ng JTC dahil hindi pa noon naipakita ng prosecution ang sapat na prima facie link nito kay Duterte o sa kanyang asawang si Manases Carpio.
Lumabas din umano ang pangalan ni Cruz sa corporate records ng Metro City Chow Foods Corp., kung saan si Duterte ay nakalistang stockholder at director. Sa kasalukuyang impeachment proceedings, ipinakita rin sa Senate court ang SEC records na nagsasabing nanatili si Duterte bilang director at may 20 porsiyentong stake sa naturang kumpanya mula 2022 hanggang 2025.
Sinabi ni Barbers na posibleng ipatawag si Cruz bilang witness, ngunit wala pang pinal na desisyon ang prosecution hinggil dito. Gail Mendoza