Home NATIONWIDE Sagip Bata Act, aprubado sa Senado vs pagsasamantala sa 2M bata  

Sagip Bata Act, aprubado sa Senado vs pagsasamantala sa 2M bata  

1
0

MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Senado ang Senate Bill No. 1819 o Sagip Bata Act na magbibigay proteksiyon sa batang Filipino laban sa sexual violence, coercion, extortion, trafficking at exploitation sa internet.

Sa kanyang manipestasyon sa deliberasyon ng panukala, sinabi ni Senador Risa Hontiveros na kailangan suportahan ng Kongreso ang panukala sakaling maisabatas nang tuluyan sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo.

“May isa lamang akong hiling sa aking mga kasamahan dito sa Senado, as we enter the budget season: samahan natin ng sapat na suporta ang mga tungkuling ipinagkakatiwala natin sa ating mga institusyon,” ayon kay Hontiveros, pangunahing awtor at isponsor ng panjukala.

Aniya, “ang PICACC, halimbawa, ay umaasa pa rin nang malaki sa suporta ng foreign donors. May mga software subscriptions silang free trial lamang. Marami sa kanilang digital forensic tools ay donasyon ng foreign NGOs at foreign governments. Hindi po dapat nakasalalay sa generosity ng ibang bansa ang kakayahan nating protektahan ang sarili nating mga anak. Lalo na ngayon.”

“The threats are evolving. We are confronting not only OSAEC and CSAEM, but new forms of online grooming and recruitment of children for serious violent activity, including NVE. So when the budget comes before us, I hope we remember the people we have entrusted with this enormous responsibility,” ayon sa mambabatas.

Giit ni Hontiveros na “bilang panghuling salita, nais ko lamang maging malinaw: hinding-hindi po ako papayag na maunsyami ang panukalang ito dahil sa kung anu-anong interes. I will happily work with government, especially our finance institutions, to forge a viable path forward. We will listen.”

“We will work through legitimate concerns. Pero hindi ako papayag sa delay at the behest of Big Tech. The protection of Filipino children cannot be held hostage by the corporate interests of social media platforms. Our children must come first,” aniya.

Kaugnay nito,bomoto naman ng pabor sina  Senador Francis “Kiko” Pangilinan at Bam Aquino sa  pagsasabatas ng Sagip Bata Act, na layong iligtas ang mga batang Pilipino mula sa sexual violence, coercion, extortion, trafficking at exploitation sa internet.

“Nakakabahala ang mga datos. Ayon sa UNICEF-ECPAT-INTERPOL Disrupting Harm study, isa sa bawat limang batang Pilipino na gumagamit ng internet, edad 12 hanggang 17 — tinatayang dalawang milyong bata — ang nakaranas ng malulubhang uri ng online sexual abuse o exploitation,” ani Pangilinan sa kanyang explanation of vote.

Kabilang aniya sa mga ito ang sexual blackmail, non-consensual sharing ng sexual images, at coercion sa pamamagitan ng pera, regalo o pangako.

“Dalawang milyong batang Pilipino. Kaya hindi natin maaaring hintayin na kumilos lamang ang batas kapag may naganap nang pang-aabuso — kapag na-upload na ang isang mapanganib na larawan o video, naibenta na ang isang livestream, o kumalat na ang content at halos hindi na mabawi,” diin niya.

Samantala, nagpasalamat si Senador Bam Aquino sa mga kasamahan sa Senado sa pagpasa sa ikatlo at huling pagbasa ng School Safety Act.

“Napapanahon at napakahalaga ng panukalang ito. Ang trahedya sa Banga National High School sa South Cotabato — kung saan nasawi ang tatlong mag-aaral at maraming nasugatan — ay masakit na paalala na kailangan tayong kumilos nang mabilis at sama-sama,” ani Aquino sa kanyang manifestation.

“Walang dapat ikatakot ang ating mga anak sa eskwelahan, kung saan sila’y dapat natututo at nangangangarap,” dagdag niya.

Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng mas malinaw na sistema para sa prevention, emergency response, support at recovery. Bawat paaralan ay magkakaroon ng localized safety plan na angkop sa kanilang sitwasyon at pangangailangan.

“Nanawagan po tayo sa pamahalaan na madaliin ang pagtiyak na ligtas ang ating mga paaralan at komunidad para sa ating mga estudyante at guro. Huwag po tayong masasanay sa ganitong karahasan. Huwag po nating hayaang maging normal ang school shooting sa ating bansa,” giit ni Aquino.

“Kailangan po nating magsama-sama para sa kaligtasan at kinabukasan ng ating kabataan. Kaya dapat po, gawing prayoridad ang panukalang ito ngayon po’y pasado na sa Senado. Sana po, mga kasama natin sa Kongreso, magmadali rin, buuin rin, ipasa rin ang kanilang version ng School Safety Act. Dahil ang ligtas na paaralan ay karapatan po ng bawat batang Pilipino,” pagtatapos ng senador. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here