TAGAYTAY CITY — Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang mga Pilipino nitong Miyerkoles na sundin ang “Pinggang Pinoy” meal plan ngayong Kapaskuhan upang mapanatili ang tamang pagkain mula sa masusustansyang pagkain.
“[We are promoting] eating in moderation with the Pinggang Pinoy. Ito po yung standard na nakikita natin that the Department of Health (DOH) and even the National Nutrition Council promotes… Eating a variety of foods from the three food groups,” ani Dr. Emmanuel Dimal, pinuno ng Nutrition Information and Education Division ng National Nutrition Council.
Ayon sa gabay, kalahati ng plato ay dapat prutas at gulay, isang-katlo para sa kanin, mais, o tinapay, at isang-anim na bahagi para sa isda, lean meat, o beans.
Pinayuhan ni Dimal na ang protina ay kasing laki ng kamay, prutas at gulay kasing laki ng kamao, at matatabang pagkain ay kasing laki lamang ng hinlalaki.
“Ang tanong, kaya ba kumain sa handaan na kukunin natin ay [thumb-sized] portion ng lechon? Sa realidad, kabaligtaran ang nangyayari. Ano ang resulta? Hypertension, stroke, kung ito ang susundin natin,” dagdag niya.
Nagbabala rin ang DOH laban sa labis na pag-inom ng alak at pagkain ng maalat at matataba upang maiwasan ang mga problema sa puso at ang tinatawag na Holiday Heart Syndrome. RNT