Home NATIONWIDE DOH kinalampag ng DBM: Isyu sa health workers allowance tugunan

DOH kinalampag ng DBM: Isyu sa health workers allowance tugunan

NANAWAGAN ang Department of Budget and Management (DBM) sa Department of Health (DOH) na kagyat na tugunan ang hindi pa nababayarang health emergency allowance (HEA) na kinukuha ng mga healthcare workers.

Nanawagan si DBM Secretary Amenah Pangandaman sa DoH matapos na magpalabas ang kanyang tanggapan ng P91.283 billion sa DOH para sa disbursement ng “benefits at allowances” ng mga health workers.

“To date po, mula po nang nagsimula ang pandemic at saka po nagkaroon ng batas para mabigyan ng compensation ‘yung ating mga health workers, P91.283 billion na po ang nare-release ng DBM,” ang sinabi ni Pangandaman.

Nauna rito, tinukoy ng DBM ang DOH report na nagpapakita na mayroong P64 billion mula sa P91.283 billion ang nagastos na.

Kasama sa ipinalabas na pondo para sa Public Health Emergency Benefits and Allowances (PHEBA) ay ang P73.26 billion para i- cover ang claims ng 653,295 qualified public at private healthcare at non-healthcare workers para sa kanilang health emergency allowance o One Covid-19 allowance mula Hulyo 1, 2021 hanggang Hulyo 20, 2023.

Gumastos din ang DBM ng P12.90 billion para sa Special Risk Allowance (SRA), P3.65 billion para sa Covid-19 Sickness and Death Compensation, at P1.4 billion para sa ibang benepisyo gaya ng ‘meal, accommodation, at transportation allowance.’

Sinabi ni Pangandaman na may kabuuang P19.962 billion sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act ang inilaan para sa “arrears at pending claims” ng DoH.

“Yung budget po natin this year, ang ginagawa po natin (What we did to our budget this year is it) is comprehensively released. Binigay na po natin lahat ‘yan sa DOH. So, sila po ang bahala mag-disburse,” aniya pa rin.

Tinuran pa rin nito na maaaring ikonsidera ng DOH na gumamit ng “blanket memorandum of agreement (MOA)” kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at private organizations na agarang tugunan ang isyu ng pagpapalabas ng natitirang unpaid HEA claims.

Muli namang inulit ng Kalihim ang panawagan nito sa DOH na isapinal na nito ang kanilang HEA mapping para i- promote ang transparency at lutasin ang isyu ng sinasabing pagkakaantala sa pagpapalabas ng HEA claims.

Umaasa naman siya na ang HEA mapping ay makokompleto “within the month”, iginiit na magiging mas madali para sa DOH na tuntunin ang mga health workers na hindi pa nakatatanggap ng kanilang kompensasyon.

“Meron na po silang link, pero ang sabi po sa amin that it is still a working document and subject for adjustment. Tapos, nag-promise po sila na aayusin nila ‘yung link na ‘yun. So, siguro po, bigyan natin sila ng oras,” ayon kay Pangandaman.

“Nag-request po ako na sana magkaroon po sila ng mapping – HEA mapping, para hindi po sila mahirapan sa listahan kung anu-ano po ‘yung mga hospital. Kasi ang pinakamahirap po talaga, and nakikita ko rin po, is ‘yung pag-validate po nung mga hospitals tsaka ng mga pangalan,” dagdag na pahayag ng Kalihim.

Sa kabilang dako, habang ang HEA mapping ay kasalukuyang isinasapinal ng DOH, tiniyak naman ni Pangandaman sa mga healthcare workers ang commitment ng gobyerno na ibigay sa mga ito ang kanilang unpaid benefits.