MANILA, Philippines – Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa mga Filipino na iwasang kumain ng labis na matatamis, maalat at mataba habang papalapit ang Pasko.
Partikular na nagbabala si DOH spokesman Assistant Secretary Albert Domingo laban sa tatlong ‘MA’— matamis, maalat, at mataba na pagkain.
Sinabi ni Domingo na ang tatlong ito ay mga bagay na maaaring maging sanhi ng sakit katulad ng altapresyon, diabetes o kaya mga non-communicable diseases kasama na ang pagiging overweight o obese na nagiging problema sa ating puso at iba pang bahagi ng katawan.
Sinabi rin ni Domingo na maaring gamitin ng mga tao ang “Pinggang Pinoy” bilang food guide sa panahon ng pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon upang mabalanse ang malusog na pagdyeyeta.
Ayon sa Food and Nutrition Research Institute ng Department of Science and Technology (DOST), ang Pinggang Pinoy ay isang food guide na gumagamit ng food plate model upang ipakita ang inirerekomendang proporsyon ng food group sa bawat pagkain upang matugunan ang enerhiya at sustansya na pangangailangan ng katawan.
Pinayuhan din ni Domingo ang mga Filipino na maging diaiplinado at huwag uminom ng alak upanaiwasan ang anumang aksidente ngayong holiday season. Jocelyn Tabangcura-Domenden