MANILA, Philippines- Nakikipag-ugnayan na ang Department of Health (DOH) sa United Arab Emirates (UAE) at Mexico kasunod ng mga ulat na nalagay sa medical coma ang Mexican actor na si Manuel Masalva matapos magkaroon ng agresibong bacterial infection matapos ang kanyang paglalakbay sa Pilipinas.
Sinabi ni DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na naghahanap sila ng karagdagang impormasyon tungkol sa kalagayan ng aktor, umaasa mula sa ibang bansa kung saan siya napunta, dahil walang data na makukuha sa lokal.
Ayon kay Domingo, wala pang tugon ang DOH mula sa dalawang bansa. Ipinunto niya na hindi ito maaaring maging sanhi ng pag-aalala ng publiko kung walang alerto mula sa mga kaukulang bansa.
Aniya, nag-inquire din ang DOH sa ilang local government units at pribadong ospital, ngunit wala silang ibinigay na feedback.
Si Masalva ay iniulat na nasa “kritikal ngunit matatag na kondisyon” sa isang ospital sa Dubai, UAE, batay sa ulat ng Los Angeles Times.
Ang 34-anyos na aktor ay naiulat na nasa Pilipinas bago dumating sa Dubai noong Marso 18, kung saan “nagsimula siyang makaramdam ng internal discomfort at sakit na tumitindi kada araw.”
Sumailalim siya sa emergency surgery noong Marso 26 matapos matukoy ng doktor ang bacteria na mabilis na kumalat ang impeksyon sa kanyang baga at agad na inilagay sa induced coma.
Batay sa kanyang Instagram posts, si Masalva ay nagpunta sa mga beaches sa Palawan noong Pebrero at Marso. Jocelyn Tabangcura-Domenden