MANILA, Philippines – Kasabay ng pagbubukas ng “Brigada Eskwela 2025”, namahagi ng kagamitang pangkalusugan sa mga natatanging paaralan ang Department of Health (DOH).
Nasa 83 natatanging paaralan na kinilalang Kampeon ng Kalusugan sa buong bansa ang tumanggap ng “Bawat Bata Malusog Packages” bilang suporta mula sa DOH.
Kabilang sa mga package ang blood pressure monitor, timbangan, first aid kits, at iba pang gamit para sa mga school clinic.
Bukod dito, mayroon ding hiwalay na self-care kits para sa mga guro at exercise and sports kits para sa mga Last Mile Schools.
Kasama rin sa ipinamahagi ng DOH ang disaster readiness kits bilang paghahanda naman sa posibleng mga sakuna.
Layon ng DOH katuwang ang Department of Education (DepEd) na matiyak ang kalusugan at kahandaan ng mga paaralan, guro, at estudyante sa pagbubukas ng klase ngayong taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden