Home NATIONWIDE DOH sa 40-48°C heat index: Parang inilulubog sa tasa ng kape

DOH sa 40-48°C heat index: Parang inilulubog sa tasa ng kape

MANILA, Phlippines- Inihalintulad ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes ang 40-48°C heat index na nararanasan sa ilang bahagi ng bansa sa paglubog sa isang tasa ng mainit na kape.

Sinabi ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo na ang normal body temperature ng isang tao ay 37°C lamang. Kung ang mainit na kape ay karaniwang nasa 50-60°C, ang temperature ng mainit na kape ay isang bagay na maihahambing sa heat index na nararamdaman sa ilang lugar.

Mula Enero 1 hanggang Abril 18, 2024, mayroong 34 kaso ng heat-related illnesses na naiulat sa Central Visayas, Ilocos Region at Soccsksargen, ayon sa datos ng DOH.

Sa mga ito, anim katao ang namatay ngunit sinabi ng DOH na ang dahilan ng kanilang pagkamatay ay patuloy na biniberipika.

Binalaan ng DOH ang publiko laban sa heat-related illnesses na nauugnay sa init na higit na lumalaganap sa matinding temperature, tulad ng heat cramps, heat exhaustion at heat stroke.

Sinabi ni Domingo na ang pinakamapanganib ay ang heat stroke na karaniwang nagsisimula sa cramps sa tiyan o binti at mauuwi sa heat exhaustion sa patuloy na pagkakalantad sa araw.

Batay sa pagtataya ng PAGASA, 38 lugar sa bansa ang posibleng makaranas ng delikadong antas ng heat index, mula 42-51°C ngayong Huwebes, Abril 25. Ito ay ang mga sumusunod:

  • NAIA sa Pasay City (45°C)

  • Science Garden sa Quezon City (43°C)

  • Laoag City, Ilocos Norte (42°C)

  • Dagupan City, Pangasinan (46°C)

  • Bacnotan, La Union (43°C)

  • Aparri, Cagayan (43°C)

  • Tuguegarao City, Cagayan (44°C)

  • ISU Echague, Isabela (43°C)

  • Iba, Zambales (43°C)

  • Clark Airport (DMIA), Pampanga (43°C)

  • CLSU Muñoz, Nueva Ecija (44°C)

  • Baler (Radar), Aurora (43°C)

  • Casiguran, Aurora (42°C)

  • Cubi Pt., Subic Bay, Olongapo City (45°C)

  • Tayabas City, Quezon (42°C)

  • Sangley Point, Cavite (47°C)

  • Ambulong, Tanauan, Batangas (44°C)

  • Infanta, Quezon (42°C)

  • Alabat, Quezon (42°C)

  • Mulanay, Quezon (43°C)

  • Calapan, Oriental Mindoro (43°C)

  • Coron, Palawan (42°C)

  • San Jose, Occidental Mindoro (45°C)

  • Puerto Princesa City, Palawan (44°C)

  • Aborlan, Palawan (45°C)

  • Legazpi City, Albay (44°C)

  • Virac (Synop), Catanduanes (44°C)

  • Masbate City, Masbate (42°C)

  • CBSUA-Pili, Camarines Sur (43°C)

  • Roxas City, Capiz (45°C)

  • Iloilo City, Iloilo (43°C)

  • Dumangas, Iloilo (43°C)

  • Catarman, Northern Samar (43°C)

  • Tacloban City, Leyte (42°C)

  • Guiuan, Eastern Samar (42°C)

  • Zamboanga City, Zamboanga Del Sur (43°C)

  • Davao City, Davao del Sur (42°C)

  • Cotabato City, Maguindanao (42°C). Jocelyn Tabangcura-Domenden