Home HEALTH ‘Bisyo’ ng mga kabataan ikinabahala ng WHO

‘Bisyo’ ng mga kabataan ikinabahala ng WHO

MANILA, Philippines- Nagpahayag ng pagkabahala ang World Health Organization (WHO) European branch at nagrekomenda ng mga hakbang upang limitahan ang paggamit ng alcohol at e-cigarettes sa mga kabataan.

Base sa survey data mula 280,000 kabataan na edad 11,13 at 15 sa Europe, Central Asia at Canada, sinabi ng WHO na nagpapakita ng “concerning picture” sa paggamit nito sa mga kabataan.

Nalaman sa ulat na 57 porsyento ng mga 15 taong gulang ang nakainom ng alak nang isang beses, kung saan para sa mga kababaihan, ang bilang ay 59 porsyento kumpara sa 56 porsyento ng mga kalalakihan.

Binanggit ng WHO na ang pangkalahatang pag-inom ay bumaba para sa mga lalaki habang tumaas naman sa mga babae.

Pagdating sa kasalukuyang paggamit—tinukoy bilang nakainom ng hindi bababa sa isang beses sa nakalipas na 30 araw—walong porsyento ng 11 taong gulang na mga lalaki ang nag-ulat na ginawa ito, kumpara sa limang porsyento ng mga batang babae.

Ngunit sa edad na 15, naungusan ng mga babae ang mga lalaki na may 38 porsyento ng kababaihan na nagsasabing sila ay nakainom nang isang beses sa nakalipas na 30 araw  habang 36 porsyento lamang sa mga lalaki.

Bukod dito, siyam na porsyento ng kabataan ang iniulat na nakaranas ng “significant drunkness” –na lasing nang hindi bababa sa dalawang beses.

Sinabi ng WHO na ito ay umakyat mula sa limang porsyento sa mga 13 taong gulang hanggang 20 porsyento para sa 15 taong gulang, nagpapakita ng isang lumalalang kalakaran sa pag-abuso sa alcohol sa mga kabataan.

Samantala, binanggit sa ulat na tumaas ang paggamit ng e-cigarretes na kadalasang tinatawag na vapes, sa mga kabataan.

Bumaba ang paninigarilyo na may 13 porsyento ng 11-15 taong gulang noong 2022, dalawang porsyentong puntos na mas mababa kumpara sa apat na taon na ang nakalilipas, binanggit ng ulat na marami sa kanila ang sa halip ay gumamit ng mga e-cigarette na nalampasan ang mga sigarilyo sa mga kabataan.

Humigit-kumulang 32 porsyento ng mga 15 taong gulang ang gumamit ng e-cigarette at 20 porsyento ang nag-ulat na gumamit ng isa sa nakalipas na 30 araw.

Ang paggamit naman ng cannbis ay bahagyang bumaba na may 12 porsyento ng 15 taong gulang na nakagamit na nito, mas mababa ng apat na porsyentong puntos sa loob ng maraming taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden