Home NATIONWIDE DOH sa WHO: Kakulangan ng access sa serbisyong pangkalusugan tinutugunan ng PH

DOH sa WHO: Kakulangan ng access sa serbisyong pangkalusugan tinutugunan ng PH

MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Health (DOH) na gumagawa ito ng ibat ibang proyekto upang tugunan ang alalahanin ng World Health Organization (WHO) Western Pacific Region tungkol sa kawalan ng access sa mahahalagang serbisyong pangkalusugan sa rehiyon.

Ayon kay DOH Secretary Teodoro Herbosa, ang mga lugar na may kakulangan sa bansa ay ang tinatawag na GIDAs o geographically isolated and disadvantaged areas.

Sinabi rin ng kalihim na ang ahensya ay gumagawa na ngayon ng iba’t ibang mga proyekto tulad ng “Doctor to the Barrios (DTTB)” program, kung saan sinisikap ng DOH na punan ang lahat ng munisipalidad ng mga medical practitioner, na binibigyan ng kompensasyon.

Kabilang sa inisyatiba ay ang “Bagong Urgent Care and Ambulatory Service (BUCAS) sa pagsisikap ng DOH na magtatag ng mga bagong pasilidad, gayundin ang inisyatiba ng ahensya na dagdagan ang benefit packages ng PhilHealth.

Noong April 5, inihayag ng WHO Western Pacific region sa press briefing ang mga alalahanin sa kakulangan ng access ng mga tao sa rehiyon sa pangunahing serbisyong pangkalusugan.

Sinabi ng organisasyon na dalawa sa limang tao na naninirahan sa Western Pacific ay kulang pa rin sa access sa essential health services.

“That is 782 million of the 1.9 billion people in our region. Thaht shouldn’t be the case,” sinabi ni WHO Western Pacific Region Director Dr. Saia Ma’u Piukala.

Binigyang-diin din ng WHO Western Pacific Region na isa sa limang tao sa nasabing rehiyon ay gumagastos ng 10 porsyento o higit pa sa kanilang kita para sa kalusugan.

“This is considered catastrophic health care spending, and it has particularly severe consequences for the most vulnerable,” sabi ni Piukala. Jocelyn Tabangcura-Domenden