Home NATIONWIDE Pagbabawal sa gov’t personnel na gumamit ng ‘wang-wang’ suportado sa Senado

Pagbabawal sa gov’t personnel na gumamit ng ‘wang-wang’ suportado sa Senado

MANILA, Philippines- Sinuportahan ng ilang senador ang kautusan ni Pangulong Marcos na ipagbawal sa lahat ng opisyal at tauhan ng gobyerno sa paggamit ng siren, blinkers at iba pang katulad na signaling at flashing devices o mas kilala bilang “wang-wang.”

Kamakailan, ipinalabas ng Palasyo ang Administrative Order (AO) No. 18 na nilagdaan ni   Executive Secretary Lucas Bersamin nitong March 25, na may layuningitaguyod ang kapakanan at kagalingan ng pagkalahatang publiko.

Sa ipinalabas na AO nitong Abril 11, inihayag ng Pangulo na naging talamak ang walang patumanggang paggamit ng siren, blinkers at iba pang katulad na signaling at flashing devices na nagreresulta ng pagkaantala sa daloy ng trapiko at hindi na nagiging ligtas ang lansangan at   traffic environments.

Unang sumuporta sa pagbabawal si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa pagsasabing  tunay itong sumasang-ayon sa pagkilos at pinuri ang Palsyo sa pagpapalabas ng AO No. 18.

“As public officials, it is our responsibility to set an example to our constituents especially when it comes to dealing with traffic. Huwag na po tayong dumagdag sa kalbaryo ng ating mga kababayang araw-araw na tinitiis ang trapik sa iba’t ibang lugar sa bansa,” aniya.

Sinabi pa ni Villanueva na napapanahon ang paglilimita sa pagbebenta ng sirena, blinkers at dome lights at katulad na emergency devices sa sasakyan na para lamang sa opisyal na paggamit ng Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI), police departments, fire departments, at hospital ambulances.

Suportado rin ni Senador Grace Poe ang naturang kautusan sa pagsasabing “pantay-pantay tayo dapat kahit sa kalsada. Ang biyahe ng government officials ay kasing halaga din ng biyahe ng ordinaryong mamamayan.”

 “Officials should be the first to set the right example. It’s also good for government officials to experience traffic congestion first hand, so that we can hopefully be more motivated to find an effective and sustainable solution to the traffic congestion problem, experienced daily by our commuters,” giit niya.

Wika pa ni Poe: “Kung may wang-wang, paano mararamdaman ng taga-gobyerno ang sakripisyo ng ating mga kababayan sa araw-araw na trapiko?”

Nagpahayag din ng buong suporta si Senador Joseph Victor “JV” Ejercito na tinukoy nito ang direktiba na “very welcome.”

“I support this 100%! It seems that use of sirens, blinkers, HPG escorts in a convoy has become a trend for government officials these days. The feeling of entitlement,” aniya.

Tinukoy din ni Ejercito ang ipinalabas na direktiba ni yumaong Pangulong Benigno S. Aquino III na nagbabawal sa wang-wang sa unang State of the Nation Address (SONA) nito.

Aniya, hindi siya personal na gumagamit ng anumang uri ng wang-wang tulad ng  ibang mambabatas o opisyal na gobyerno dahil “nakakahiya.”

“Not at all. Never. Specially police motorcycle escorts, never want to have one. Nakakahiya,” ani Ejercito. Ernie Reyes