Tiniyak ng Department of Health (DOH) noong Lunes, Abril 8, sa publiko na “walang bagong” naiulat na mga kaso ng anthrax sa Pilipinas mula Enero hanggang Marso 2024 kasunod ng mga kamakailang alalahanin na dulot ng mga ulat sa isang bansa sa Asya.
Ipinahayag ito ni DOH Secretary Teodoro Herbosa, sa panayam ng Bagong Pilipinas Ngayon, hinggil sa isyu, na itinatampok ang “maling akala” sa anthrax bilang isang bagong sakit.
“Akala ng mga tao ay bagong disease ito pero back then, we have dermal anthrax,” paglilinaw ng kalihim.
Ipinaliwanag ni Herbosa na ang anthrax, na kilala rin bilang “Bacillus anthracis,” ay nagmumula sa dumi ng mga kalabaw at baka, na may kapansin-pansing pagkalat sa mga rehiyon ng pagsasaka tulad ng Cagayan at Isabela noong nakaraan.
Samantala, sa kabila ng walang bagong kaso ng anthrax na naitala sa bansa, binigyang-diin ni Herbosa ang kahalagahan ng preventive measures, partikular sa mga magsasaka.
Sinabi rin ni Herbosa na sa kasalukuyan ay Wala pang bakuna na magagamit para sa anthrax.
Bukod dito, sa Pilipinas, iniulat ng DOH noong Marso 30 na 82 lamang ang pinaghihinalaang kaso ng anthrax ang naitala sa loob ng pitong taon, mula Enero 1, 2017, hanggang Disyembre 31, 2023.
Dagdag pa rito, sinabi ng DOH na walang naiulat na anthrax health events mula 2019 hanggang 2021 at walang naitala mula Enero 1 hanggang Marso 29, 2024. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)